MANILA, Philippines — Umaasa ang Malacañang na matututunan ding pahalagahan ng mga Pilipino ang Tsina bagama't lalo pang bumaba ang trust rating ng Beijing.
Lumabas kasi na sumadsad pa lalo sa "bad" net trust rating na -33 ang Tsina sa inilabas na Social Weather Stations survey, Miyerkules ng hapon.
Bumaba ito ng siyam na puntos mula sa -24 noong Hunyo, dahilan para maging ito na ang pinakamababa simula noong Hunyo 2018.
Pero hindi naman daw ito ikinagulat ng Palasyo, sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.
"Ang mga resulta ng survey na isinagawa mula ika-27 ng Setyembre hanggang 30 ay inaasahan at madaling intindihin lalo na't taliwas ang posisyon ng Tsina at bansa natin pagdating sa West Philippine Sea," wika niya.
Tinutukoy niya ang patuloy na sigalot ng dalawang bansa sa agawan nito sa mga isla't karagatan sa nasabing rehiyon sa South China Sea.
Sa kabila nito, kilalang mainit ang relasyunan nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping — na makailang beses nang nagpadala ng ayuda at pautang sa Pilipinas.
"Naniniwala kami... na ang Tsina, gaya ng ibang bansa, ay matututunan ding pahalagahan ng mga Pilipino dahil sa independent foreign policy ng presidente, na nagbunsod ng malaking pakinabang sa Pilipinas," sabi ni Panelo.
Nitong Agosto, matatandaang nanindigan ang Pilipinas at Tsina sa kanilang magkatunggaling claim sa West Philippine Sea, ngunit nagkaisa sina Duterte at Xi na hindi nito masisira ang Filipino-Chinese bilateral relationship.
Sabi pa ng tagapagsalita ng presidente, maaaring gawing "role model" ng Pilipinas ang Tsina para bawasan ang kahirapan sa bansa.
Ayon naman kay Greg Poling, direktor ng Asia Maritime Transparency Initiative, hindi nagbago ang kawalang tiwala ng mga Pilipino sa Tsina sa loob ng tatlong taon ng panunungkulan ni Duterte.
'Yan ay kahit na nananatiling mataaas ang mga rating ng presidente.
"Matapos ang tatlong taon ng maka-Beijing na tono, patuloy na panggigipit ng Tsina sa dagat at mga walang-saysay na pangako sa ekonomiya, halos ganun pa rin ang distrust ng mga Pilipino sa Tsina bago siya [Duterte] umupo," ani Poling kagabi sa Twitter.
Nasa -24 ang net trust rating ng Tsina noong Hunyo 2016 bago maluklok sa posisyon si Duterte.
Bumaba pa ito sa -33 noong Setyembre 2016.
Sa anim na bansang sinuri ng pag-aaral noong Setyembre 2019, lumalabas na ang Estados Unidos ang pinaka-pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino sa "excellent" net trust rating na +72.
Nakakuha naman ng "good" ang Australia sa rating na +35, na sinundan ng Japan sa +35, Singapore na may "moderate" na +26 at Vietnam na nakakauha ng "neutral" na zero.
Isinagawa ang survey gamit ang harapang panayam sa 1,800 katao edad 18 taong gulang pataas sa buong bansa. — James Relativo at may mga ulat mula kay Patricia Lourdes Viray