MANILA, Philippines – Walang nakikitang basehan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) upang sampahan ng kasong administratibo si dating PNP chief P/General Oscar Albayalde kaugnay ng alegasyong pag-recycle ng nakumpiskang shabu ng kanyang mga dating tauhan sa Pampanga.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, maaari lamang panagutin si Albayalde sa isyu ng command responsibility ngunit nagbitiw naman na ito sa kanyang pwesto bilang PNP chief, bago pa man naisumite ng DILG ang findings nito sa Malacañang.
Sa alegasyong tinangka umanong gumamit ni Albayalde ng impluwensiya upang hindi ma-dismiss sa pwesto ang 13 niyang dating tauhan, sinabi ng kalihim na walang sapat na basehan para panagutin ang heneral dito.
Sinabi ni Año na kailangan pang humanap ng sapat na ebidensiya upang suportahan ang alegasyon ng mga heneral na nag-aakusa kay Albayalde.
Tiniyak naman ni Año na bukas silang muling imbestigahan ang kaso sakaling magkaroon ng mga bagong ebidensiya.