MANILA,Philippines — Itinalaga kahapon ni Pangulong Duterte bilang bagong Chief Justice ng Supreme Court si Senior Associate Justice Diosdado Peralta.
Nakakuha ng pitong boto mula sa Judicial and Bar Council (JBC) si Peralta na magsisilbing punong mahistrado hanggang Marso 27, 2022 ang kanyang mandatory age retirement na 70.
Si Peralta ang ika-26 na Chief Justice at pumalit sa nagretirong si ret. Chief Justice Lucas Bersamin.
Lumilitaw na 25 taon na sa judicial service si Peralta at pinaka-senior sa haba ng taon sa Judiciary. Naitalaga si Peralta sa SC noong 2009.
Si Peralta ay dating prosecutor sa Maynila at naging associate at presiding justice sa Sandiganbayan. Tubong-Laoag City, Ilocos Norte siya na nagtapos sa University of Santo Tomas Faculty of Civil Law noong 1979. Nagtrabaho muna siya sa pribadong sektor bago pumasok sa gobyerno bilang assistant city prosecutor noong 1987. Noong 1994, itinalaga siyang regional trial court judge sa Quezon City.
Kabilang sa mga desisyon ng Supreme Court na isinulat ni Peralta ang hinggil sa ligalidad ng paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, pagpapatibay sa ligalidad ng pag-aresto kay Sen. Leila de Lima, deklarasyon ng batas militar at extension nito sa Mindanao, at pagpapatalsik kay dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno at pagdismis sa same-sex marriage petition.
Bilang pinuno ng Mataas na Hukuman, si Peralta ang mangangasiwa sa paglutas sa malalaking kaso tulad ng election protest ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice Pres. Leni Robredo, legalidad ng amnestiya ni dating Sen. Antonio Trillanes, Bangsamoro Organic Law, EDSA provincial bus ban, ban sa Rappler, Oplan Tokhang at pag-atras ng Pilipinas sa International Criminal Court.