P5K grant sa mga apektado ng tariffication 'insulto sa magsasaka' — Anakpawis

"Gumastos ang mga magsasaka ng P50,000, at para sa farm gate price na P8 kada kilo, lugi sila ng P16,000 hanggang P19,000, kaya insulto ang cash assistance na 'yan," ani Ariel Casilao ng grupong Anakpawis sa Inggles.

MANILA, Philippines —  Imbis na magbunyi, pinulaan ng grupo ng mga pesante ang plano ng Department of Agriculture na laanan ng P5,000 ang bawat magsasakang naapektuhan ng Rice Tariffication Law bago sumapit ang Pasko.

Ang cash assistance, na aabot ng P3 bilyon para sa 600,000 magsasaka, ay kukunin mula sa mga taripa na nakalap mula sa mga inangkat na bigas mula sa ibang bansa, ayon kay Agriculture Secretary William Dar

"Gumastos ang mga magsasaka ng P50,000, at para sa farm gate price na P8 kada kilo, lugi sila ng P16,000 hanggang P19,000, kaya insulto ang cash assistance na 'yan," ani Ariel Casilao ng grupong Anakpawis sa Inggles.

Matatandaang bumulusok pababa ang presyo ng palay na binibili direkta sa mga mag-uuma matapos palitan ng taripa ng gobyerno ang import quota para mapababa ang presyo ng bigas kasabay ng record high inflation rates noong 2018.

"Kaysa magpatupad ng safeguard duties sa imported rice, nagdesisyon ang Gabinete na magbigay ng one-time P5,000 cash assistance sa mga magsasakang apektado ng low farm gate price dahil sa rice tariffication law," wika ni Dar sa media.

Pero giit pa ng Anakpawis, ang P5,000 ay halos katumbas lang ng dalawang buwang suplay ng bigas na nagkakahalagang P36 kada kilo, kung saan dalawang kilo kada araw lang ang pwedeng kainin.

"Sa makatuwid, hindi production support ang gagawin ng DA, tokenist at pagbibigay lang ng mumo para mabuhay," ani Casilao.

"[A]ng pagtrato sa gutom na magsasaka na parang batang bibigyan ng P5,000 bago mag-Pasko na para silang bata, lalo lang makapagpapagalit sa kanila."

Hindi saklaw ang 1.7 milyong magsasaka?

Ayon naman kay Rafael Mariano, chairperson emeriitus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, ginagawa ito ng gobyerno upang pagwatak-watakin ang mga magsasaka dahil iilan lang daw ang magqua-qualify para rito, dahilan para maitsapwera ang marami.

"Nasa 2.3 milyon ang nagtatanim ng palay sa Pilipinas, kung kaya'y inaabandona nito ang nalalabing 1.7 milyong iba pa, lalo na yaong mga mahihirap na maralitang manggagawang bukid na nawalan at mawawalan ng kabuhayan," ani Mariano, na isang magsasaka rin.

Mungkahi tuloy ng dating mambabatas, i-repeal ang Republic Act 11203 at palakasin ang pag-procure ng National Food Authority sa hindi bababa P20 kada kilong palay at i-retail ito sa presyong P25 kada kilo.

"Ang pundamental na paraan ng pagkamit ng katiyakan sa pagkain, na nakabatay sa pag-asa sa sarili, ay ang katiyakan sa trabaho ng mga magbubukid sa kanilang lupa, dahil papawiin nito ang piyudal na pagbabayad ng upa sa mga panginoong maylupa," sabi pa ni Mariano.

"[P]alalayain nito ang mga magsasaka mula sa mala-piyudal na porma ng pagsasamanta sa mga pribadong trader." 

Inudyok din niya ang publiko na suportahan ang petisyon ng Bantay Bigas, Amihan at Gabriela na tuluyan nang ibasura ang batas sa rice tariffication.

Hinimok naman ni Casilao ang lahat na suportahan ang Joint House Resolution 18 ng Makabayan bloc na magtutulak ng P15 bilyong budget sa NFA para makakalap ang NFA ng palay sa P20 kada kilo.

"[N]iatulak na sa pader ng mga magsasaka[ang gobyernong Duterte matapos ang liberalisasyon]. Itong usapan ng cash grant... panis na intervention ito na taliwas sa liberalization," paliwanag pa niya.

Ang liberalisasyon ay isang ekonomikong sistema kung saan tinatanggal ng gobyerno ang mga restriksyon sa mga aktibidades ng pribadong sektor.

Aniya, hindi maikakailang hindi pa handa ang Pilipinas sa liberalisasyon at nagpapatunay lang na "tuta" ang administrasyon sa mga instrumento ng monopolyo gaya ng World Trade Organization - Agreement on Agriculture.

Show comments