MANILA,Philippines — Tuluyan ng isinulong ni Sen. Bong Go ang panukalang bigyan na ng suweldo at benepisyo ang mga barangay official sa bansa.
Ayon kay Sen. Go, sa ngayon kasi ay ‘allowance’ lamang ang tinatanggap ng mga barangay official at walang regular na sahod sa kabila na sila ang ‘front runner’ at first responder kapag may kaganapan sa kanilang lugar.
Inihain ni Go noong Biyernes ang Senate Bill No.391 o Barangay Service Compensation Act na naglalayon na bigyan ng suweldo at benepisyo ang mga barangay official sa bansa.
Kinikilala ng senador mula sa Davao City ang malaking partisipasyon at ambag ng mga barangay official para sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa kanilang nasasakupan.
Kabilang sa panukalang batas ng senador ay mabigyan din ng hazard pay at iba pang allowance ang mga barangay workers dahil sa uri ng kanilang trabaho na tagapagpatupad ng batas sa kani-kanilang nasasakupan.
Ani Go, nakikita niya ng personal kung papaano magtrabaho ang mga barangay official sa Davao City na halos hindi na umuuwi ng bahay para kumain mapagsilbihan lang ang kanilang mga nasasakupan.
Panahon na anya para kilalanin ang serbisyo at pagod sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng nararapat na kompensasyon bilang unang takbuhan at hinihingan ng tulong ng mga mamamayan na nangangailangan ng tulong.