‘Ninja cops’ probe results ihahabol bago retirement ni Albayalde - Napolcom

Si Albayalde ang hepe ng Pampanga Police nang ang 13 sa mga tauhan niya ay inakusahang nang-umit sa 160 kilo ng shabu na halagang P648 milyon sa isang operasyon laban sa isang hinihinalang drug lord noong 2013.
File

MANILA, Philippines — Inaasahan ng National Police Commission na makakapagsumite ito ng resulta ng imbestigasyon sa kontrobersiya sa ‘ninja cops’ bago magretiro sa serbisyo sa susunod na buwan si dating PNP chief Oscar Albayalde.

“Titignan natin bago ang Nobyembre 8. Kailangan naisumite na ang lahat ng kailangang dokumento sa kinauukulang mga opisina na dapat naming mapagdalhan ng resulta ng imbestigasyon na ito lalo na sa Office of the President at sa kalihim ng DILG (Department of the Interior and Local Government),” pahayag kahapon ni Napolcom vice chair at executive officer Rogelio Casurao.

Sinabi ni Casurao na ang imbestigasyong kinasasangkutan ni Alba­yalde ay dapat matapos habang nasa serbisyo siya.

“Pagkatapos niyang magretiro, mawawalan na kami ng hurisdiksiyon sa kanya. Kung naumpi­sahan na, na-docket na ‘yung case number niya, patuloy ‘yung jurisdiction kahit magretiro siya,” dagdag ni Casurao.

Si Albayalde ang hepe ng Pampanga Police nang ang 13 sa mga tauhan niya ay inakusahang nang-umit sa 160 kilo ng shabu na halagang P648 milyon sa isang operasyon laban sa isang hinihinalang drug lord noong 2013.

Sinabi pa ni Casurao na malaking tulong sa imbestigasyon ng Napolcom at ng DILG ang paunang resulta ng imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee.

Inirerekomenda sa draft report ang pagsasampa ng drug at graft charges laban kay Albayalde at sa 13 pulis.

Maghahanap anya ang mga Napolcom-DILG investigators ng ebidensiya mula sa Senate report habang tinitignan nila ang posibleng administrative liability ng mga respondents.

Sinabi ni Casurao na maaari nilang simulan ang isang kasong administratibo laban kay Albayalde kung merong malakas na indikasyon ng umano’y pagkaka­dawit niya sa ‘ninja cops’ o mga pulis na nagre-recycle ng nakukumpiskang droga.

Kung wala anyang matibay na ebidensiya, makakapagretiro nang mapayapa si Albayalde.

 

Show comments