MANILA, Philippines — Walang mapagsidlan ng galit ang ilang sektor ng paggawa matapos pumutok ang balitang nais paabutin ng dalawang taon ang probationary status ng mga empleyado't obrero bago maregular sa trabaho.
Ika-24 ng Setyembre nang ihain ni Rep. Jose Singson Jr. (Probinsyano Ako party-list) ang House Bill 4802 sa layuning mahasa muna nang husto ang empleyado bago gawing permanente matapos ang dalawang taon.
Sa panayam ng PSN, sinabi ng Kilusang Mayo Uno na talamak na ang "endo" (end of contract) ngayong anim na buwan pa lang ang probationary period bago ma-regular. Tanong tuloy nila, paano pa kung dadagdagan pa ng 18 buwan.
"Lalo nitong ginagawang temporaryo sa halip na maging regular sa trabaho ang manggagawa," ani Elmer "Ka Bong" Labog, tagapangulo ng KMU.
Tumutukoy ang "endo" sa pagsisisante ng empleyado o manggagawa bago sumapit ang anim na buwan — ang haba ng panahon na hinihingi ng Labor Code bago gawing permanente ang trabahante.
Hindi tulad ng mga probationary na empleyado, protektado ng "security of tenure" ang mga regular sa ilalim ng Article 279 ng Labor Code:
"In cases of regular employment, the employer shall not terminate the services of an employee except for a just cause or when authorized by this Title. An employee who is unjustly dismissed from work shall be entitled to reinstatement without loss of seniority rights and other privileges and to his full backwages, inclusive of allowances, and to his other benefits or their monetary equivalent computed from the time his compensation was withheld from him up to the time of his actual reinstatement."
"Ang panukalang gawing 24 buwan ang probationary period ng isang bagong empleyado ay isa na namang pagmamalabis sa manggagawa," dagdag ni Labog.
Pero depensa ni Singson, mas mapapadali pa nga raw na maging regular ang mga taong dumaan sa 24-buwang probation status.
"[A]ng pagpapahaba sa probationary stage ng empleyo ay magbibigay sa empleyado ng dagdag na opurtunidad para patunayan nila ang kanilang halaga sa employer, na meron sila ng kinakailangang skills, talents at iba pang kwalipikasyon na magbubunsod ng kanilang regularisasyon kasama ng mga mandatory benefits na kasama nito," ani Singson sa Inggles.
Una na niyang sinabi na hindi sapat ang anim na buwan para dumaan sa mga kinakailangang "developmental training" at pagtatasa sa kaledad ng trabaho para matiyak na kaya nila ang hinihingi ng pinapasukan.
Mapipigilan din daw ng dagdag na probationary period ang "automatic regularization ng unqualified employee."
Sagot naman sa kanya ni Luke Espiritu, pambansang tagapangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, pambabastos sa dignidad ng manggagawang Pinoy ang gusto ni Singson.
"Bakit kailangan ng dalawang taon para patunayan ng manggagawa ang kanyang halaga sa negosyo ng kapitalista?" ani Espiritu.
"Hindi ba’t kung hindi dahil sa lakas-paggawa ng manggagawa, na binabayaran lamang ng kakarampot na sahod, eh hindi kikita nang limpak-limpak na tubo ang kapitalista?"
'6 months sapat na'
Ayon naman kay Rep. Ferdinand Gaite (Bayan Muna party-list), sobra-sobra ang 24 buwan na nais ng Probinsyano Ako party-list.
"Masyadong mahaba 'yan. Ang kasalukuyang anim na buwan ay sapat na para malaman kung nararapat ang isang empleyado sa trabaho," ani Gaite.
Isa si Gaite sa mga naghain ng House Bill 3381, na layong magbawal sa lahat ng uri ng kontraktwalisasyon, endo at labor-only contracting.
Dagdag pa ng militanteng mambabatas, lalo lang pagkakaitan ng panukala ni Singson ang workforce sa kanilang karapatan sa security of tenure at mga benepisyo.
"Ang pagpapalawig ng probationary period ay pagpapalawig lang ng kanilang oras sa 'employment limo,'" sabi pa ni Gaite.
Kaysa raw ipatupad ito, mas mainam daw na maipasa na lang ang tunay na maka-manggagawang Security of Tenure Law.
Nagpahayag na rin ng kanilang pagsuporta sa HB 3381 ng Makabayan bloc ang BMP, na dating kilalang karibal ng pambansa-demokratikong Kaliwa.
Samantala, nababahala naman daw ang Bayan Muna sa isinusulong ng Department of Labor and Employment na bersyon ng SOT bill, bagay na iprinesenta na sa House Committee on Labor, dahil sa probisyon sa fixed-term employment at pagpapatindi sa kontraktwalisasyon.
"Hindi tayo papayag diyan, kokontrahin natin 'yan," dagdag ni Gaite.
BMP: Singson 'malaking kapitalista' kaya ganyan
Patuloy pa ng BMP, ganito ang isinusulong na panukala ni Singson dahil dala niya mismo ang interes ng malaking negosyo.
"[Si] Congressman Singson... napag-alaman naming kapitalistang may-ari ng mga hotel," paliwanag ni Espiritu.
Sa artikulo ng The STAR noong 2018, naiulat na nagpatayo siya ng dalawang bagong hotel at nagmamay-ari rin ng 16 branches ng isang tanyag na fast food chain sa rehiyon ng Ilocos.
Si Rep. Jose "Bonito" Singson ang nakababatang kapatid ni Narvacan, Ilocos Sur Mayor Luis "Chavit" Singson, isang pulitikong isinalarawan ng BMP bilang isang "warlord."
Sabi pa ni Espiritu, karapatan ng bawat manggagawa ang regular at permanenteng trabaho, lalo na't ito mismo ang pamantayan ng International Labor Organization.
"Ito’y sapagkat permanente ang pangangailangan ng tao sa pagkain, bahay, at mga pangangailangan para makaraos sa buhay," sabi ng labor leader.
Maliban dito, patatagalin din daw nito ang kapangyarihan ng mga kapitalista na makapagtanggal.