Duterte biglang uwi mula Russia dahil sa 'dengue' ni Kitty? Palasyo sumagot

"Hindi naman rushing back, dahil dati namang schedule 'yon eh," pagbabahagi ni presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing Lunes.
File

MANILA, Philippines — Itinanggi ng Malacañang na napauwing bigla si Pangulong Rodrigo Duterte mula sa five-day state visit sa Russia kaugnay ng diumano'y karamdaman ng kanyang bunsong anak.

"Hindi naman rushing back, dahil dati namang schedule 'yon eh," pagbabahagi ni Panelo sa isang press briefing Lunes.

Gayunpaman, hindi naman kinumpirma ni Panelo kung totoong may dengue ang presidential daughter: "Wala akong alam," sabi niya.

Hindi rin daw alam ni Panelo kung kasama ngayon ni Digong ang anak. Dagdag ng tagapagsalita, nagtatanong pa siya ngunit hindi pa raw sinasagot ang kanyang text.

Kamakailan, mismong si Duterte ang nagkumpirma na nakakuha ng peligrosong sakit ang kanyang anak.

"Kailangan kong makita si Kitty. May dengue siya. Pero ligtas na siya," sabi ni Duterte sa Inggles sa panayam ng The STAR.

Gayunpaman, wala naman raw nababanggit ang presidente tungkol sa kanyang pagkabahala.

"Wala eh. Wala, eh 'di sana may binanggit na siya," kanyang pagtatapos.

Nangyayari ang lahat ng ito kahit na isa si Kitty sa mga nakatanggap ng kontrobersyal na Dengvaxia, na kilalang bakuna kontra-dengue.

Agosto nang sabihin ni Duterte na handa siyang buhayin ang Dengvaxia vaccination program ng dating Pangulong Benigno Aquino III matapos mamatay ang daan-daang katao sa bansa ngayong taon kaugnay ng sakit.

Sa kabila nito, isinisisi ng ilang sektor ang Dengvaxia sa pagkamatay diumano ng ilang batang naturukan nito.

Dalawang buwan pa lang ang nakalilipas nang ideklara ng Department of Health ang national dengue epidemic.

Noong Huwebes, sinabi ni Iloilo Rep. Janette Garin, dating kalihim sa DOH, na maproprotektahan ng Dengvaxia ang lahat sa loob ng tatlong taon, kahit na yaong mga hindi pa nagkaka-dengue.

Gayunpaman, maaaring magkaroon daw ito ng masamang epekto sa maliit na porsyento ng populasyon na hindi pa nagkakaroon ng sakit.

"[P]ara sa mga seronegative o hindi pa nagka-dengue, 0.02% sa kanila ang may posibilidad na magkaroon ng severe dengue. May mas mababang epekto o proteksyon para sa kanila," ani Garin sa panayam ng One News.

Show comments