MANILA, Philippines — Sinimulan nang imbestigahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kaso ng mga ‘ninja cops’ at posibleng pagkakasangkot dito ni Philippine National Police (PNP) chief P/Gen. Oscar Albayalde.
Sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na kahit wala pa ang resulta ng imbestigasyon ng Senado ay inumpisahan na nila ang pagrebyu sa kaso.
Kasama aniya sa iimbestigahan nila ay kung paano nasangkot si Albayalde sa aktibidad ng mga inaakusahang ‘ninja cops.’
Kabilang si Año sa delegasyon ni Pangulong Duterte sa official visit nito sa Russia, ngunit sa sandali aniyang makabalik siya sa Pilipinas ay kaagad siyang makikipagpulong sa National Police Commission (Napolcom) at DILG Legal Service, para alamin ang estado ng pag-review sa kaso.
Matatandaang unang inimbitahan si Albayalde bilang resource person sa hearing ng Senate blue ribbon and justice committees hinggil sa mga anomalya sa New Bilibid Prison, ngunit naungkat rin sa pagdinig ang kaso ng mga “ninja cops” o mga pulis na nagre-recycle ng mga huli nilang ilegal na droga.
Bagamat walang direktang ebidensya na sangkot si Albayalde sa umano’y katiwalian ng kanyang mga tauhan noong police director pa siya ng Pampanga noong 2013, inakusahan naman siya ng umano’y pakikialam sa kaso ng mga ito.
Sinasabing tinawagan ni Albayalde si PDEA Director General Aaron Aquino, na noon ay Regional Director ng Region 3, at hiniling na huwag ipatupad ang dismissal sa mga ito.
Inamin naman ni Albayalde na tinawagan niya si Aquino ngunit hindi aniya para impluwensiyahan, kundi para alamin lamang ang estado ng kaso ng kanyang mga tauhan.