MANILA, Philippines – Isinulong ni Sen. Panfilo Lacson na patawan ng contempt si P/Col. Rodney Raymundo Baloyo IV, ang namuno sa drug raid sa Pampanga noong 2013 dahil sa pagsisinungaling.
Ayon kay Lacson, sinikap niyang paaminin si Baloyo sa tunay na detalye ng pangyayari sa nasabing buy-bust operation ngunit nagpatuloy ito sa pagsisinungaling.
Hindi tugma ang mga naging pahayag ni Baloyo sa resulta ng imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Group.
Bago patawan ng contempt, nagbabala pa si Senate Minority Leader Franklin Drilon na maaring makulong si Baloyo sa Pasay City jail hanggang matapos ang 18th Congress sa 2022.
Pero sa halip na sa Pasay City Jail, nagdesisyon si Sen. Richard Gordon na ikulong si Baloyo sa New Bilibid Prison.
Nauna nang inihayag ni dating Criminal Investigation and Detention Group chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na 38 kilo ng shabu lamang ang iniulat na nakuha sa operasyon na taliwas sa resulta ng isinagawang reenactment na aabot sa 200 kilos.