Pagtugis sa convicts ipinatigil

Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, may pagkakamali sa listahan dahil 40 persons deprived of liberty ay hindi dapat na kasama sa GCTA.
Krizjohn Rosales

MANILA, Philippines — Pinahihinto ng Department of Justice ang pag-aresto sa mga napalayang convicts dahil sa Good Conduct Time Allowance (GCTA) makaraang makitaan mg mali sa listahan na isinumite ng Bureau of Corrections (BuCor).

Ayon kay Justice Undersecretary Markk Perete, may pagkakamali sa listahan dahil 40 persons deprived of liberty (PDLs) ay hindi dapat na kasama sa GCTA. 

Ang 40 PDLs ay ginawaran na ng pardon o parole at hindi napalaya ng GCTA.

Giit ni Perete, itutuloy nila ang muling pag-aresto sa mga convicts sa sandaling nalinis at naberipika ang listahan. 

Kahapon ay sinimulan na Philippine National Police ang deployment ng tracking teams para arestuhin ang  may 176 convicts na napalaya ng GCTA law.

Paliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra, kailangan na munang maayos at malinis ang listahan dahil posibleng malagay sa peligro ang buhay ng mga PDL at mga pulis na aaresto.

Naging mabusisi ang pagpapatupad ng Republic Act 10592 matapos na mabunyag ang planong pagpapalaya sa  convicted rapist-killer na si dating Calauan mayor Antonio Sanchez.

Lumilitaw sa data ng BuCor na nasa 1,914 heinous crime convicts ang napalaya ng GCTA si­mula pa 2014.

Idinagdag pa ni Guevarra na ire-recompute nila ang GCTA ng mga sumukong PDLs upang malaman kung ang mga ito ay kasama o hindi sa 2013 GCTA law. 

Sakali aniyang lumabas sa recomputation na nakumpleto na ang sentensiya ng walang GCTA palalayain din ang mga ito sa ilalim ng Revised Penal Code. Danilo Garcia, Joy Cantos

 

Show comments