‘Agaw Bato’ kinumpirma ng ex-CIDG chief

Nagsagawa naman ng executive session ang mga senador kasama si Magalong kung saan umano niya pinangalanan ang mga tiwaling miyembro ng PNP na sangkot sa “Agaw Bato”.
File

MANILA, Philippines – Isiniwalat kahapon ng isang dating hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na tuluy-tuloy pa rin ang nangyayaring recycle ng iligal na droga na tinawag niyang “Agaw Bato” scheme.

Humarap si ex-CIDG chief at ngayon ay Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa pagdinig ng Senado kung saan sinabi niyang lahat ng operasyon ng iligal na droga sa buong bansa ay nagmumula sa National Bilibid Prison.

Sinuportahan ni Ma­galong ang naunang pahayag ng Philippine Drug Enforcement Authority (PDEA) na muling nire-recycle ng mga corrupt na pulis at muling ipinagbibili sa merkado ang mga nakukumpiskang droga mula sa lehitimong police operations.

Kung 100 kilo na droga ang nakumpiska, 30 kilo lamang ang ide­deklara at ang natira ay muling ibebenta sa merkado.

“Itatago yong iba ang ipa-fastbreak sa merkado kaya babagsak yong presyo…fast break… from the usual P6,000 babaksak na lang po yan ng P4,000 per gram or P3,000 per gram,” sabi ni Magalong.

Sinabi rin ni Magalong na kalimitan ay pinapaikot ng mga tiwaling pulis ang pinuno ng kanilang opisina sa mga buy-bust o illegal drug operations.

Nagsasagawa ng ope­rasyon ang mga tiwaling miyembro ng PNP na hindi nalalaman ng kanilang pinuno.

Bukod dito, ang nahu­ling Chinese drug lord ay ipapatubos sa halagang P50 milyon saka mu­ling manghuhuli ng ibang Chinese drug personality upang ipalit sa kanya.

Bukod sa kumita na aniya sa droga ang mga tiwaling pulis ay kumita pa sila sa nahuling Chinese drug lord.

Nagsagawa naman ng executive session ang mga senador kasama si Magalong kung saan umano niya pinangalanan ang mga tiwaling miyembro ng PNP na sangkot sa “Agaw Bato”.

Show comments