MANILA, Philippines — Automatic promotion daw ang dapat ibigay sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno na sasailalim sa sapilitang pagreretiro, ayon sa panibagong panukala na inihain ng isang senador.
Layon ng Senate Bill 1019 ni Sen. Bong Revilla na magamit ang adjusted salary grade level ng government employees bilang batayan sa pagco-compute ng retirement benefits.
"Kung ang mga pulis ay binibigyan ng one rank higher kapag nagretiro, bakit hindi natin gawin sa lahat ng government employee na bigyan din kaparehong promotion at benefits," ani Revilla.
Katumbas ng isang grade level ang itataas ng posisyon ng magreretiro oras na maisabatas ito.
Naniniwala si Revilla na mahalaga ito upang maibalik sa mga government employees ang serbisyong inilaan nila sa pamahalaan.
Dagdag pa niya, mainam daw na mamaksimisa nila ang mga benepisyo oras na umalis lalo na't marami sa kanila ang magreretiro habang nasa serbisyo pa. — James Relativo