Bagyong Nimfa tinatayang lalabas ng PAR sa Sabado

"Inaasahan po natin 'yung trough po neto ay patuloy... na magdadala ng kaulapan, pag-ulan, pagkidlat [at] pagkulog dito po sa area ng Northern Luzon," ani Ezra Bulquerin, weather specialist ng PAGASA.
Released/Pagasa

MANILA, Philippines — Posibleng lumabas ang Tropical Depression Nimfa sa loob ng 48 na oras, ayon sa tala ng PAGASA.

Namataan ito 715 kilometro silangan hilagangsilangan ng Basco, Batanes kaninang alas-singko ng umaga at may taglay na hanging 55 kilometro kada oras.

May dala rin itong bugso na aabot ng hanggang 70 kilometro kada oras.

"Inaasahan po natin 'yung trough po neto ay patuloy... na magdadala ng kaulapan, pag-ulan, pagkidlat [at] pagkulog dito po sa area ng Northern Luzon," ani Ezra Bulquerin, weather specialist ng PAGASA.

Mabagal ang pagkilos ngayon ng bagyo at binabagtas ang direksyong kanluran hilagangkanluran.

Patuloy pa rin na umiirak ang southwest monsoon, o hanging Habagat, na magdadala ng mga pag-ulan sa Central Luzon.

Madalas na mahihina hanggang katamtaman na may minsanang makakalakas na pagbuhos ang mararanasan sa:

  • Ilocos region
  • Cordillera Administrative Region
  • Cagayan Province
  • Zambales
  • Bataan
  • Occidental Mindoro

Panaka-nakang mahihina hanggang malalakas na pag-ulan na may kaonting malalakas na pagbuhos ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon.

"Dito sa may Visayas at Mindanao, makikita natin na... maganda po 'yung lagay ng panahon diyan, bahagyang maulap hanggang sa maulap na kalangitan," dagdag ni Bulquerin.

Show comments