MANILA, Philippines – Pinakakastigo ng Lilac Center for Public Interest, Inc., kay Labor Secretary Silvestre Bello lll ang isang Hong Kong service provider na nagpapakalat umano ng fake news para maniobrahin ang imbestigasyon sa bagong online system sa labor office sa nasabing bansa.
Ayon kay Lilac Center president Nicon F. Fameronag, ang mga kasinungalingan at pagkuwestyon umano ni Jaime Deverall, presidente ng Hong Kong service provider na Polaris Tools, ay lubhang nakaapekto sa legalidad ng imbestigasyon ng DOLE sa bagong online system ng Philippine Overseas Labor Office (POLO).
Nauna nang bumuo si Bello ng isang fact-finding body para siyasatin ang mga opisyal ng POLO sa HK matapos nilang palitan ang service provider na 11-taon ng ginagamit para sa real-time service sa mga OFW ng walang public bidding o konsultasyon.
Ayon kay Fameronag, sinungaling si Polaris Tools corporate secretary David Bishop nang sabihin nitong nagkasundo na sina Deverall at Labor Usec. Claro Arellano, pinuno ng DOLE investigating team, na magiging pabor sa Polaris ang ilalabas na resulta sa kanilang imbestigasyon.
Pinabulaanan aniya ni Arellano na nakipag-usap at nangako siya kay Deverall para maging positibo sa kanila ang imbestigasyon.