MANILA, Philippines — Sinuportahan kahapon ni Senate Minority Leader Franklin Drilon ang isinusulong na pagsusog sa Republic Act 10575 upang mabigyan ang Department of Justice (DOJ) ng mas malakas na kontrol sa Bureau of Corrections (BuCor).
Ayon kay Drilon, ang sobrang kapangyarihan ng bureau at ang mga tiwaling opisyal ang dapat sisihin sa nangyayaring katiwalian sa BuCor.
“Having said that, sang-ayon ako na palakasin ang supervision at control ng DOJ. Sa ngayon, ang ahensya na may control ang DOJ ay ang national prosecutions service. Sa iba, wala na siyang control. Lahat iyan, mga little republics na. Noong ako ang Secretary of Justice, napansin ko na iyan na yung dumating sa akin yung mga pambili ng munggo, itlog. Nawalan na ng kapangyarihan ang DOJ sa halos lahat ng ashensya,” sabi ni Drilon sa panayam ng DWIZ.
Sinabi pa ni Drilon na dapat unahin ang batas na nagbibigay ng administrative supervision sa justice secretary sa BuCor.
Nauna rito, iginiit ni Justice Secretary Menardo Guevarra na i-review ang batas sa gitna ng nabistong katiwalian sa BuCor.
Idinagdag ni Drilon na sa ilalim ng RA 10575, naging masyadong makapangyarihan ang director ng BuCor.
Bukod sa BuCor, inihalimbawa rin ni Drilon na walang kontrol ang DOJ sa Public Attorneys Office, National Bureau of Investigation at Bureau of Immigration.