Carpio: Duterte walang otoridad 'isantabi' ang 2016 arbitral ruling

Ito ang sinabi ni Senior Associate Chief Justice Antonio Carpio matapos iparamdam ni Digong na handa niyang talikuran ang desisyon kapalit ng oil and gas joint exploration sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa pinag-aagawang katubigan.
File

MANILA, Philippines — Wala raw karapatan si Pangulong Rodrigo Duterte na ibalewala ang 2016 arbitral ruling na pumapanig sa Pilipinas sa pag-angkin ng West Philippine Sea kontra Tsina, bagay na sinabi rin ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.

Ito ang sinabi ni Senior Associate Chief Justice Antonio Carpio matapos iparamdam ni Digong na handa niyang talikuran ang desisyon kapalit ng oil and gas joint exploration sa pagitan ng Tsina at Pilipinas sa pinag-aagawang katubigan.

"Sa batas, ang pag-iisantabi ay pag-aabandona, pagbasura, pagbaliktad o pagwawalambisa ng desisyon," ayon kay Carpio sa isang pahayag Biyernes sa Inggles.

"Sa ligal na diwang ito, walang otoridad ang presidente sa ilalim ng batas ng Pilipinas na 'iisantabi' ang arbitral ruling na inilabas ng Hague tribunal."

Sa kabila ng agawan sa teritoryo, inalok kamakailan ni Chinese President Xi Jinping si Duterte na magbahaginan ng likas-yaman sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng joint exploration kapalit ng pagsuko sa pag-aangkin sa lugar.

Wika pa ni Xi, handa nilang ibigay sa Pilipinas ang 60% ng makikitang likas-yaman doon habang 40% lang ang kukunin nila.

"Isantabi niyo ang inyong claim. Tapos hayaan niyo ang lahat na may kaugnayan sa mga kumpanyang Tsino," 'yan daw ang sinabi ni Xin, ayon kay Duterte.

"Kasi 'yang exclusive economic zone bahagi 'yan ng arbitral ruling na ii-ignore natin para mapagkasunduan ang economic activity."

Ang West Philippine Sea, na nasa loob ng South China Sea, ay kumakatawan sa EEZ ng Pilipinas.

Ang mga binanggit ni Duterte ay umani na rin ng batikos mismo sa kanyang ikalawang pangulo, nang sabihin ni Bise Presidente Leni Robredo na "nakalulungkot" at "iresponsableng" pahayag ito.

Pangamba pa ni Carpio, maaaring igapos ng mga katagang ito ang Pilipinas sa doktrina ng "unilateral declarations."

Ang anumang pagpayag ay maaaring magresulta sa pagkawala ng sovereign rughts sa ilalim ng arbitral ruling.

'Hindi isusuko'

Matatandaang sinabi ni Foreign Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi pwedeng isantabi ang ruling dahil hindi na ito saklaw ng pakikipagkompromiso, posisyong hinangaan ni Carpio.

Una nang nanindigan si presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi isinusuko ng Pilipinas ang ligal na pagkapanalo kontra Tsina.

"Ang pagse-set aside ay hindi pag-abandona. Ang ibig sabihin... nakasalang pa rin sa pag-uusap ng dalawang bansa ang arbitral ruling; mapayapa ang negosyasyon," ani Panelo.

Payo ni Carpio, pwede naman daw na huwag munang iggit sa ngayon ang ruling ngunit ilaban na lang sa ibang panahon.

Samantala, sinabi naman ni Panelo sa dzMM na hindi pa naman daw pinal ang gas and oil deal ng Pilipinas dahil hindi pa nagpupulong ang technical committees ng dalawang panig para sa terms of reference at possible joint exploration.

Maliban dito, naniniwala pa rin naman daw si Duterte na "pinal at may bisa" ang abrbitral ruling kung kaya't hindi naman daw talaga ito binibitiwan.

Show comments