MANILA, Philippines – Tinatrabaho na ng Department of Interior and Local Goverment (DILG) ang extradition ni CPP-NPA founder Jose Maria “Joma” Sison.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hihingi sila ng special arrangement sa Dutch Government para mapabalik sa bansa si Sison at panagutan ang kanyang mga kinakaharap na kaso.
Si Sison at 37 iba pa ay ipinaaaresto ng hukuman kaugnay sa mga kaso ng pagpatay na may kaugnayan sa masaker na naganap na Inopacan, Leyte noong 1985.
Si Sison at asawang si Juliet Sison, na subject rin ng naturang warrant of arrest, ay nag-self-exile sa The Netherlands may tatlong dekada na ang nakalilipas.
Giit ng kalihim, ang isang kriminal at terorista na tulad ni Sison ay hindi maaaring ikonsidera na political refugee.
Naniniwala ang kalihim na patuloy pa ring nagbibigay ng utos si Sison sa “terrorist forces” sa bansa, sa pamamagitan nang paglalathala ng kanyang mga pahayag na nag-aatas sa New People’s Army na pumatay at mandambong sa Pilipinas.
Una nang sinabi ni Año na nakipag-usap siya sa deputy ambassador ng European Union upang hilingin na bawiin ang “refugee status” ni Sison sa The Netherlands at mapauwi ito sa bansa at harapin ang mga kasong kanyang kinakaharap.