MANILA, Philippines – Nabibilang na ang mga araw ni Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) founder Jose Maria Sison.
Sinabi ito ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kaugnay ng ihahaing “red notice” sa International Police (Interpol) Crime Organizations para ganap ng maisilbi ang warrant of arrest laban kay Sison at 37 iba pang mga opisyal ng CPP, NPA at National Democratic Front.
Si Sison ay kasalukuyang naka-self exile sa The Netherlands kaugnay ng ‘political asylum’ na ipinagkaloob dito ng Dutch government.
Ang iba pang mga opisyal ng CPP-NPA-NDF ay posibleng nagsisipagtago na rin sa ibang bansa habang ang iba pa ay nasa mga balwarteng teritoryo ng komunistang grupo at iba pang panig ng Pilipinas.
Ayon kay Albayalde, hihilingin nila ang tulong ng Dutch Embassy sa Pilipinas gayundin ng Interpol para maproseso na agad ang pagbawi sa iginawad na asylum laban kay Sison.
Nauna rito, nagpalabas ng warrant of arrest si Manila RTC Branch 32 Judge Thelma Bunyi-Medina na walang inirekomendang piyansa sa 15 counts ng murder noong Agosto 29, 2019 laban kina Sison kaugnay ng Inopacan, Leyte massacre matapos na madiskubre ang killing fields ng NPA.
Ang red notice, ayon kay Albayalde, ay upang alertuhin ang lahat ng police forces sa buong mundo na wanted ang isang pugante sa isang bansa na maaring nagtatago sa kanilang teritoryo.