Palasyo kumambyo, hindi raw tinanggap ang sorry sa 'Recto Bank incident'

"Hindi naman accepting 'yon. Ang sabi ko, 'We are pleased to note that," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.

MANILA, Philippines — Nag-iba ang tono ng Malacañang ngayong araw nang sabihing hindi nila tinatanggap ang tawad na hinihingi ng Chinese ship owner na nakabangga't nakapagpalubog sa bangka ng mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank noong ika-9 ng Hunyo.

"Tayo lang naman, we appreciate the fact that they apologized. Hindi natin, 'yung sinabi mong tinanggap," ani presidential spokesperson Salvador Panelo sa isang press briefing sa PTV Biyernes sa Beijing, China.

Aniya, para naman daw kasi sa mga mangingisda ang hinihinging apology kung kaya't hindi nila 'yon maaaring tanggapin.

"Hindi naman accepting 'yon. Ang sabi ko, 'We are pleased to note that..."

'Yan ang kanyang sinabi kahit na nabanggit niya ngayong linggo na tinatanggap ng Palasyo ang kanilang sorry.

"Tinatanggap namin ang paumanhin na ipinaabot ng may-ari ng sasakyang pandagat sa ating mga mangingisda kaugnay ng insidente," sabi niya sa Inggles.

Sa kabila ng pagsabi na walang pagtanggap na ginawa ang gobyerno ng Pilipinas, nilinaw ni Panelo na ang tinatanggap nila ay ang katotohanan na nagpadala ng liham.

Ipinadala sa Embahada ng Pilipinas sa Beijing ang liham ni Chen Shiqin, presidente ng Guangdong Fishery Mutual Insurance Association, ayon sa Department of Foreign Affairs.

Sa kabila ng hindi raw pagtanggap ng Palasyo, ilang beses namang nag-iba ang kumambyo ang spokesperson habang umuusad ang press briefing.

"I asked the president himself. Ang sabi ko, 'May letter of apology dito,' ganito, ganyan. 'Okay ba sa iyo 'yon mister president?' 'Ah, okay na 'yan.'"

Una nang sinabi ng Chinese Embassy sa Pilipinas na nangingisda sa Recto Bank ang "Yuemaobinyu 42212" nang mabangga ang Gem-Ver 1.

'Yan ay kahit na nasa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ang nasabing lugar, kung saan tanging mga Pilipino lang ang dapat makinabang ayon sa Article XII Section 2 ng Saligang Batas:

"The State shall protect the nation’s marine wealth in its archipelagic waters, territorial sea, and exclusive economic zone, and reserve its use and enjoyment exclusively to Filipino citizens."

Una nang sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin na hindi rin nila tinanggap ang paumanhin.

"Hoy, mga tanga! Ni-note ko lang 'yung apology ng mga Tsino. Hindi ko tinanggap. Hindi ako mangingisda," ani Locsin.

Nagpahiwatig na rin ng kanilang disgusto sa nasabing liham ang Bagong Alyansang Makabayan at fisherfolk group na Pamalakaya, at sinabing hindi ito sapat.

"Kahit na binanggit ng Tsinong may-ari ng bangka na hindi sinasadya ang banggaan sa Recto Bank, walang sinasabi [sa sulat] na inabandona nila ang mga Pilipino sa laot," sabi ni Renato Reyes Jr., secretary general ng Bayan.

"Walang paumanhin sa hindi pagbibigay ng tulong. Bakit naman?"

Tutulong kung gusto magkaso

Samantala, kinumpirma naman ni Panelo na tutulong ang gobyerno upang makuha ng 22 mangingisda ang danyos perwisyos na ipinangako ng nakadisgrasya sa kanila.

"Sa mga mangingisda, kung nakikinig kayo, pwede namin kayong tulungan na maghain ng inyong claim, at kung interesado kayong maghain ng kasong kriminal, tutulong kami," pagpapatuloy ng tagapagsalita.

Tinayak ni Panelo na sa korte ng Pilipinas nila hahabulin ang mga Tsino.

Nang tanungin kung anong kaso ang maaaring ihabla sa kanila, ito ang kanyang sinabi: "Oh eh 'di reckless imprudence resulting to damage to property."

Show comments