MANILA, Philippines — Isinumite na ni Bise Presidente Leni Robredo ang kanyang counter-affidavit sa mga hinaharap na kaso, kasama ang sedisyon, sa Department of Justice.
Ang reklamo ay kaugnay pa rin ng diumano'y plano nila ng mga lider-oposisyon na patalsikin sa pwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Bagama't kasama sa 35 respondents sa parehong kaso, una nang nag-apply si Peter Advincula, alyas "Bikoy," sa witness protection program para tumestigo laban sa mga kapwa akusado dahil nalalaman niya diumano sa "Project Sodoma," na nagpakalat daw ng "Ang Totoong Narcolist" videos na nag-uugnay kay Pangulong Rodrigo Duterte, kanyang mga kamag-anak at kaalyado sa illegal drug trade.
Bilang tugon, nanindigan si Robredo na walang katotothanan ang paratang ni Advincula na nagkasama sila sa isang "ouster meeting" at electoral campaign ng Otso Diretso sa Ateneo de Manila University noong ika-4 ng Marso, 2019.
"It was impossible for me to be in ADMU, at around 4:00 PM in the afternoon, much less in Leon Hall, as I attending official events held at the City of Bocaue and Municipality of Bustos Bulacan Province the whole day of March 4, 2019," paliwanag ng ikalawang pangulo sa 50-pahinang dokumento.
Itinala rin niya kung saan siya pumunta mula alas-diyes ng umaga hanggang alas-singko ng araw na iyon:
- Dr. Yanga's Colleges Inc. ("DYCI") sa MacArthur Highway, Wakas, Bocaue, Bulacan
- Ahon Laylayan Koalisyon Bulacan Proovincial Panning Session sa covered court ng Martha Estate, Brgy. Batia, Bocaue, Bulacan
- dayalogo kasama ang mga lider-kababaihan sa Bustos Municipal Hall, Bustos, Bulacan
"Upon conclusion off the said events, I was again accompanied by my staff back to my residence at around 6:30 in the evening," dagdag ni Robredo.
Dati nang itinanggi ng ADMU na merong nangyaring ouster meeting sa kanilang pamantasan.
Unang beses lang daw nakita ni Robredo si Advincula nang maibalitang humarap siya sa Integrated Bar of the Philippines noong ika-6 ng Mayo.
Matatandaang inihain ng Philippine-National Police-Criminal Investigation Group ang kaso Hulyo ngayong taon.
Maliban sa sedisyon, humaharap din sina Robredo, Sen. Antonio Trillanes IV, Sen. Risa Hontiveros, atbp. pa sa reklamong inciting to sedition, libelo, cyberlibel, obstruction of justice at estafa. — may mga ulat mula kay Kristine Joy Patag