MANILA, Philippines – Magagamot na sa Pilipinas ang mga pasyenteng may sakit sa atay.
Ito ang sinabi ni dating Health Secretary at organ transplant surgeon Dr. Enrique Ona ng National Kidney Transplant Institute sa symposium tungkol sa “Rebirth After Liver Transplant and Pallative Care of Liver Diseases” sa NKTI sa Quezon City.
Sinabi ni Ona na may hanggang tatlong liver disease patients ang sumasailalim sa transplant kada taon na karamihan ng mga liver donor sa NKTI ay mga brain dead o mga pasyenteng dinala sa ospital dahil nabiktima ng aksidente.
Sa Pilipinas, aabutin ng P3 milyon ang budget na kailangan sa liver transplant, mas mataas ito sa P1.5 milyon sa India kaya maraming Pilipino na may sakit sa liver ang nagpapa-liver transplant sa India dahil mura ang operasyon doon.
Sinabi ni Dr. Siegfredo Paloyo, NKTI transplant surgeon, na mas madami anyang pasyenteng may liver diseases ang matutulungan sa Pilipinas kung mababawasan ang gastusin sa paglaban sa sakit, dadami ang organisasyon na naglalaan ng financial help at dadami ang bilang ng mga liver donor.
Ayon kay Dr. Joy Varghese, director ng Department of Hepatology and Transplant Hepatology ng Gleneagles Global Health City-India, may 90 percent na ng mga may liver disease sa kasalukuyan ang kanilang napapagaling dahil sa liver transplantation.
Hindi anya dapat matakot ang mga liver donor dahil isa lamang sa 8 segment ng liver ang ibibigay sa isang pasyenteng may sakit at makaraan ang isang buwan ay mag-reregrow ang liver o balik na sa normal ang laki nito makaraan ang transplant.