MANILA, Philippines — Lumagda ng memorandum of agreement ngayong umaga ang lokal na gobyerno ng Maynila at PLDT-Smart Communications upang magbigay ng "mabilis" at libreng wireless internet connection sa kalunsuran.
Isinapormal nina Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso, PLDT chair at chief executive officer Manny V. Pangilinan, at Smart chief revenue officer Alfredo Panlilio kanina ang kasunduan sa Manila City Hall.
"[A]ccording to Smart officials, after signing ng memorandum, ipapakabit na nila ang free WiFi sa mga designated sites, then maaaccess na ng users in 30 to 60 days," ani Julius Leonen, hepe ng Manila Public Information Office.
Ilan sa tinukoy na makakukuha ng 30-minute free access araw-araw ang:
- Manila City Hall
- Ospital ng Maynila
- Tondo Medical Center
- Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center
- Universidad de Manila
- Museo Pambata
Oras na maitalaga, maisasama ang mga nabanggit na lugar sa lumalaking listahan ng 400 live Google Station sites na inanunsyo ng Smart at Google Philippines nitong Hulyo 2019.
"Maligaya kaming makipagtrabaho sa city government ng Maynila at mayor Isko para makapagbigay ng connectivity sa lungsod at dalhin ang benepisyo ng internet sa mas maraming Pilipino sa bansa," sabi ni Pangilinan Miyerkules sa Inggles.
Sabi naman ni Panlilio, ginagawa raw nitong mas accessible sa lahat ang connectivity upang mapanatiling "in touch" ang mga magkapamilya at magkakaibigan.
Makatutulong din daw ito upang maabot ang mga susing online government at banking services.