MANILA, Philippines — Isinusulong ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na ma-exempt sa pagbabayad ng income tax ang mga guro sa mga public elementary at high school.
Sa kaniyang Senate Bill 241, wala nang income tax na babayaran ang mga guro na nasa levels 1, 2, 3, o yaong hindi pa umaabot sa P26,000 ang buwanang sahod.
Hindi na rin dapat umanong buwisan ang kanilang holiday pay, hazard pay at night differential pay.
Ayon kay Sotto, ang income tax exemption ay pagkilala at pagsukli sa paghihirap ng mga guro.
Ang Senate Bill 241 ay bukod pa sa panukala ni Sotto at iba pang mga senador na bigyan ang mga guro ng dagdag-sahod.