MANILA, Philippines — Nagpaabisong muli ang pamunuan ng Manila Electric Company (Meralco) na maaaring magkaroon ng rotational brownout sa ilang lugar sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan ngayong papasok na linggo.
Ito’y dahil na rin sa pagsasagawa nila ng maintenance works na ang layunin ay higit pang mapaghusay ang serbisyong ipinagkakaloob nila sa kanilang mga kostumer.
Ang maintenance works ay simula Hulyo 15, Lunes, hanggang Hulyo 21 (Linggo).
Kabilang sa mga apektado nito ang Urdaneta, at Guadalupe Nuevo sa Makati City; Barangay Potrero, Barangay Tugatog, Barangay Catmon, at Barangay Tinajeros sa Malabon; Bagong Barrio sa Caloocan City; Sta. Cruz, Tondo, Malate at Sampaloc, sa Maynila; Barangay Maybunga sa Pasig City; at Pasay City.
Inaasahan ding maaapektuhan ang Taytay, sa Rizal; Dasmariñas City, Maragondon, Naic, Ternate, Tanza, Imus, General Trias, Carmona, at Silang sa Cavite; Sta. Rosa City at Biñan City, sa Laguna at Sariaya sa Quezon Province.
Humihingi naman ang Meralco ng paumanhin sa publiko sa abalang maaaring idulot ng kanilang maintenance works.