MANILA, Philippines — Ipinangako ng Philippine National Police—Highway Patrol Group na posibleng matamasa ang limang minutong biyahe mula Cubao, Quezon City papuntang Makati, kanilang pagkukumpirma Lunes ng umaga.
Tiniyak ito ni BGen. Roberto Fajardo, PNP-HPG director, kanina habang pinangungunahan ang pagtanggap ng 50 crash helmets mula sa Angkas Philippines, sa isang turnover ceremony sa Camp Crame kanina.
"[We'll] comply with the orders of the president on the five minutes, hanggang kaya na travel from Cubao to Makati," ani Fajardo.
Ito ang binanggit ng HPG kahit una nang sinabi ng Metropolitan Manila Development Authority na ito'y "mathematically impossible."
Unang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaya ang ganito kabilis na biyahe Marso sa campaign rally ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan sa Isabela, bagay na mangyayari raw sa Setyembre.
Inusog naman ito ni Digong ang palugit pagdating ng Disyembre.
"You just wait. Ayaw kong mag-ano. Things will improve. Maybe God willing, December smooth sailing na... You don’t have to worry about traffic. Cubao and Makati will be just about five minutes na lang," sabi ng presidente.
Wika ni Fajardo, patuloy na raw ang preparasyon upang tuluyan itong maisakatuparan.
Magiging mahalaga naman daw ang papel ng kanilang pakikipagtulungan sa Department of Transportation, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board at MMDA dito.
"Yung bus line will be strictly enforced, yung mga terminals sa loob ng highway of EDSA will be removed, hindi ipagagamit 'yon," dagdag ng HPG.
Balak din daw nilang ilipat ng lane ang mga motorsiklo sa EDSA mula fastlane papunta sa ikatlo.
"Para 'yung fastlane talagang mabilis... Hindi nag-aagawan 'yung motorcycle, nakikipagpatintero sa mabibilis na sasakyan," ani Fajardo.
Mahigpit din daw nilang ipatutupad ang mga batas trapiko upang tuluyang matupad ang utos ni Duterte.
'Imposibleng mangyari'
Nitong ika-12 ng Hunyo, sinabi ni MMDA traffic chief Bong Nebrija na mahihirapan silang maibaba ang haba ng byahe sa kalsadang kilala sa masikip na daloy ng mga sasakyan.
"That’s mathematically impossible kahit saan natin tingnan... Maybe 15 minutes we could do it," sabi ng MMDA sa panayam ng CNN Philippines.
Nauna nang bumuo ng inter-agency group ang MMDA para maibaba ang travel time mula Cubao papuntang Chino Roces Avenue sa Makati sa 30 minutos mula sa kadalasa'y isang oras.