Wow mali?: 'Mistaken arrest' sa kolumnista mula Davao iimbestigahan, sabi ng PNP

Gayunpaman, pinakawalan siya bandang bandang 8:45 ng gabi ng parehong araw nang sabihin ng isang testigo na hindi siya ang inirereklamo at "kamukha" lamang ng suspek.
The STAR/Boy Santos, File

MANILA, Philippines — Siniguro ni Philippine National Police chief Oscar Albayalde na bubusisiin nilang maigi ang maling pagdakip sa isang 60-anyos na kolumnista, na nagkataong "kamukha" raw ng isang suspek sa salang frustrated murder.

"These are all very isolated cases. Very rare nangyayari ‘yan," sabi ni Albayalde sa press ngayong Lunes.

Inaresto si Fidelina Margarita Valle alas-10 ng umaga Linggo sa Laguindingan Airport, Misamis Oriental ng Criminal Investigation and Detection Group Zamboanga Peninsula habang naghihintay ng flight pabalik ng Davao City.

Hinainan siya ng arrest warrant laban sa isang "Elsa Rention" alyas Tina Maglaya at Fidelina Margarita Valle sa kasong arson, multiple murder na may quaduple frustrated murder at pagpinsala diumano sa ari-arian ng pamahalaan, at iniugnay sa Communist Party of the Philippines.

Gayunpaman, pinakawalan siya bandang bandang 8:45 ng gabi ng parehong araw nang sabihin ng isang testigo na hindi siya ang inirereklamo at "kamukha" lamang ng suspek.

Nagsusulat si Valle para sa Davao Today.

"Our law enforcers, hindi naman talaga kilala ‘yung subject. It is the complainant... ang nakakakilala doon sa subject usually and ito they based their actions on the informant and I don’t know if that informant is the same as the complainant. Hindi yata so kaya nangyari ‘yan," dagdag ni Albayalde.

Nagpasalamat naman ang anak ni Valle sa lahat ng nagpaabot ng suporta sa laban ng kanyang ina.

 

 

"To friends, fellow human rights defenders, first reponders in pagadian, media friends, HR lawyers, church people, everyone who shouted for the immediate release of my mother. Thank you very much!" sabi ni Rius Valle.

(Sa lahat ng mga kaibigan, kapwa tagapagtanggol ng karapatang pantalo, first responders sa Pagadian, kaibigan sa media, mga abogado, taong simbahan at mga nanawagan sa pagpapalaya sa aking ina. Maraming salamat!)

Nangako naman si Rius na sisingilin nila ang mga may kagagawan sa nangyari.

"[I]f they can do this to a journalist, what will prevent them from doing this to ordinary citizen? We will hold them accountable," dagdag niya.

(Kung kaya nilang gawin 'to sa journalist, paano pa kaya sa mga ordinaryong mamamayan? Pananagutin natin sila.)

'Parang Tokhang'

Hindi naman kinagat ng ilang grupo ang mga katwiran ng PNP.

Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, kriminal na gawi ang ginawa ng PNP laban kay Valle.

"Let us call a spade a spade. The supposed 'arrest'... [of] Valle... was not a lawful operation but a criminal abduction of a journalist," sabi ng NUJP sa isang pahayag ngayong araw.

(Magprangkahan na tayo. 'Yung "pag-aresto" nitong Linggo kay Valle, hindi 'yan paghuling naaayon sa batas ngunit pagdukot sa isang mamamahayag.)

Aniya, nilabag daw ng CIDG ang mga batayang karapatan ng manunulat dahil sa kanyang sinapit sa kamay ng otoridad.

Habang nakaditine, ilang oras daw hindi ma-contact si Valle at biglang pinaratangan ng sari-saring krimen na dekada na ang nakalilipas bago umaming nagkamali.

"We demand that the police and military personnel involved in this inexcusable travesty and their superiors be prosecuted and punished to the fullest extent of the law," dagdag ng NUJP.

(Nananawagan kami na makasuhan at maparusahan ang mga pulis, militar at mga nakatataas na opisyal na may kinalaman sa insidente.)

Kinastigo rin ng Davao Today ang ginawa sa kanilang kolumnista, at inihalintulad ang pagdakip sa "Oplan Tokhang" na isinasagawa ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

"We feel afraid of the dangerous actions of the PNP and the Armed Forces of the Philippines (AFP). Such moves would lay the ground for attacks against the media and community development workers," sabi ng news outfit.

(Natatakot kami sa peligrosong aksyon ng PNP at Armed Forces of the Philippines. Ang mga ganito ay magbubunsod lang ng mga atake laban sa media at community development workers.)

Pagsasalarawan ng Davao Today, nagtrabaho si Valle bilang media consultant para sa iba't ibang non-government organizations at iba pang grupo na nagsasagawa ng research, documentation, pag-momonitor ng mga proyekto at ebalwasyon.

Bilang kolumnista, madalas daw siyang magsulat tungkol sa buhay ng mga taga-Mindanao lalo na ng mga katutubo.

"The climate of impunity has worsened in the Philippines, not only with the number of deaths carried on by the infamous drug war but also through other forms of repression aimed to silence the critics of the administration."

(Lumalala ang kultura ng walang pakundangan sa Pilipinas, hindi lang sa bilang ng mga namatay sa gera kontra droga ngunit pati na rin sa mga atakeng nakatuon sa mga kritiko ng administrasyon.)

Show comments