MANILA, Philippines – Walang ‘ghost pensioners’ ang Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) at wala ring nawawalang pondo sa ahensya.
Ito ang mariing pinanindigan at nilinaw kahapon ni PVAO Administrator ret. Lt. Gen. Ernesto Carolina kaugnay naman ng lumabas na report ng Commission on Audit (COA) na umano’y nagbayad ang ahensya ng P70-milyon sa mga ghost pensioners na aabot sa mahigit 5,000 ang bilang.
Ipinaliwanag ni Carolina, mula sa P70-milyon, nasa P40-milyon dito ang nabawi na nila habang ang nalalabi pang P30-milyon ay nananatili sa bank accounts ng mga benepisyaryo at hindi ito ginagalaw.
Sa kasalukuyan, ayon kay Carolina ay hindi pa ito mabawi ng PVAO dahil nanganagilangan ito ng kaukulang dokumento tulad ng death certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) bilang katunayan na ang isang pensyonado ay patay na.
“At least P40-milyon ang nasa individual account pa, hindi pa mailipat, wala pang death certificate, kasi kung maisauli hindi dapat isauli over remittance, eto yung remittance after death”, anang opisyal.
Tiniyak naman ni Carolina na walang nangyayaring anomalya sa kanilang ahensya at nangako itong maisasaayos din ng PVAO ang mga kinukuwesyon sa kanila ng COA sa lalong madaling panahon.