MANILA, Philippines — Bully at kawalan ng good moral character umano ang pangunahing sanhi kung bakit tinanggalan ng security escorts ang Tulfo brothers at pamilya nito matapos namang masangkot si Erwin Tulfo sa maanghang na pagbanat laban kay Department of Social Welfare and Development Secretary Rolando Joselito Bautista.
Sa press briefing sa Camp Crame, inamin ni Philippine National Police Chief Police General Oscar Albayalde na dismayado ang PNP sa inasal at pambabastos ni Erwin Tulfo laban kay Bautista.
Ang magkakapatid na Tulfo ay pawang mga brodkaster at kolumnista.
Sa kaniyang programa sa Radyo Pilipinas DZRB ay sinabi ni Erwin na sasampalin niya si Bautista, dating Commanding General ng Philippine Army at ingungudngod ang ulo nito sa inidoro dahilan hindi umano sumasagot sa kaniyang tawag sa telepono para mainterbyu.
Napaulat na nag-sorry na si Erwin kay Bautista.
“Actually may recall order yan, una ang pagpro-provide ng security is extended to a person. This is like giving license sa mga iba-ibang gustong mag-possess ng firearms. This is all but privileges that are extended and these privileges can always be revoked pag may ganyan,” paliwanag ni Albayalde na sinabing walang personalan ang hakbang at bahagi lamang ng protocol sa mga binibigyang proteksyon ng mga awtoridad.
Sa kasalukuyan, sumasailalim pa sa pagrerebisa ang pagtanggal ng security escorts ng Tulfo brothers kung ibabalik pa ito o tuluyang puputulin na kung saan tatagal ito ng dalawa hanggang tatlong linggo.