MANILA, Philippines — Nangangamba ang first nominee ng Senior Citizen partylist na baka hindi siya iuupo ng Commission on Elections bilang congressman o representative sa pagbubukas ng 18th Congress sa darating na Hulyo.
Sinabi ni Atty. Godofredo Arquiza, ang first nominee ng Senior Citizen partylist noong nakaraang eleksyon, may mga usapan umano na ibang tao ang iuupo ng Comelec sa kongreso.
Ang Senior Citizen partylist ay nakakuha ng 516,000 votes noong nakaraang halalan na sapat para sa isang upuan o puwesto sa Kongreso.
Ani Arquiza, nanalo ng two seats ang Senior Citizen noong 2016 election pero ang second nominee na si Cong. Francisco Datol at third nominee na si Cong. Milagros Magsaysay ang pinaupo ng Comelec sa halip na misis niya na first nominee.
Nitong nakaraang halalan, bukod kay Arquiza, nag-file rin umano ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA) sina Datol at Magsaysay na kapwa mga first nominee sa kani-kanilang certificates pero nakapagtataka na tinanggap ng Comelec ang kanilang application.
Si Arquiza ang umupong congressman ng Senior Citizen noong 14th at 15th Congress simula 2007 hanggang 2013.
Ipinakita rin nito sa media ang Securities and Exchange Commission (SEC) incorporation ng kanilang partylist noong Nov. 6, 2003, at noong 2007 si Arquiza ang nakasaad sa dokumento na pangulo ng naturang grupo.
Siya rin ang ini-endorso ng Coalition of Association of Senior Citizens of the Philippines Inc. (CASPI) na maging representante nila sa kongreso.