MANILA, Philippines — Nananatiling pinakamayang senador sina Cynthia Villar at Emmanuel ‘Manny’ Pacquiao batay sa kanilang 2018 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth na inilabas ng Senado.
Ang net worth ni Villar, na numero unong senador nitong katatapos lang na 2019 midterm elections, umabot sa mahigit P3.7 bilyon, habang P3 bilyon naman ang kay Pacquiao.
Tumaas ng mahigit P108.6 milyon ang net worth ni Villar habang P59 milyon naman ang itinaas ng kay Pacquiao.
Walang "liabilities" o pagkakautang si Villar habang mahigit P146 milyon naman ang sa boksingerong mambabatas na si Pacquiao.
Noong 2017, sina Villar at Pacquiao din ang lumalabas na may pinakamalaking net worth.
Ito na ang ikalimang magkasunod na taon na nanguna sa listahan si Villar.
Si Villar ang asawa ng dating Senate president at negosyanteng si Manny Villar at nanay din ni Public Works and Highways Secretary Mark Villar.
Itinuturing si Manny Villar bilang pinakamayamang Pilipino, ayon sa huling tala ng Forbes magazine ngayong 2019.
Pinagmamay-arian ng kanilang pamilya ang construction company na Vista Land at mall-chain na Starmall.
Pasok rin sa sampung pinakamayayamang senador sina Ralph G. Recto (P555 milyon), Juan Miguel F. Zubiri (P182.8 milyon), Juan Edgardo M. Angara (135.8 milyon), Joseph Victor G. Ejercito (132.8 milyon), Franklin M. Drilon (97.7 milyon), Sherwin T. Gatchalian (P96 milyon), Grace Poe (P93 million) at Richard J. Gordon (P71 milyon).
Nakalista sa ibaba ang net worth ng bawat senador na kasapi sa 17th Congress:
- Cynthia A. Villar 3,719,941,858.00
- Emmanuel D. Pacquiao 3,005,808,000.00
- Ralph G. Recto 555,324,479.82
- Juan Miguel F. Zubiri 182,851,570.34
- Juan Edgardo M. Angara 135,840,710.00
- Joseph Victor G. Ejercito 132,820,345.73
- Franklin M. Drilon 97,726,758.00
- Sherwin T. Gatchalian 96,210,607.14
- Grace Poe Llamanzares 93,039,921.54
- Richard J. Gordon 71,285,178.56
- Vicente C. Sotto III 70,120,700.30
- Maria Lourdes Nancy S. Binay 60,132,461.00
- Loren B. Legara 56,290,602.11
- Paolo Benigno A. Aquino IV 45,205,138.25
- Panfilo M. Lacson 42,442,341.00
- Aquilino Martin L. Pimentel III 28,662,212.00
- Emmanuel Joel J. Villanueva 26,921,555.00
- Gregorio B. Honasan II 25,882,099.00
- Francis N. Pangilinan 16,695,048.17
- Ana Theresia N. Hontiveros-Baraquel 15,627,176.04
- Francis Joseph G. Escudero 10,575,228.00
- Leila M. De Lima 7,706,392.45
- Antonio F. Trillanes IV 7,533,012.10
Nananatiling pinakamahirap na senador pa rin si Antonio Trillanes IV, na mayroong P7.5 milyong net worth.
Gayunpaman, tumaas ito ng P661,268.46 kumpara sa nakaraang taon.
Samantala, bumaba naman ng P238,681.24 ang SALN ni Sen. Leila De Lima. — Philstar.com intern Edelito Mercene Jr.