SANTIAGO CITY - Dalawang Vote Counting Machine (VCM) ang sinunog ng mga hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan sa Barangay Santa Isabela sa bayan ng Jones sa lalawigan ng Isabela kahapon ng umaga.
Ayon sa inisyal na ulat, pasado alas-6:00 ng umaga nang maganap ang insidente matapos harangin ng mga armadong kalalakihan ang trak na pinagsakyan sa VCM at iba pang election paraphernalias kasabay sa pagtutok ng armas sa mga pasahero nito.
Napag-alaman na ihahatid sana ng mga opisyal ng Commission on Election at iba pang mga volunteers ang mga VCM sa municipal hall nang harangin sila ng mga armadong grupo.
Ayon sa pulisya, tinatayang humigit umano sa 200 mga balota na hindi pa nababasa ng nasabing VCM ang sinunog ng nasabing grupo.
Hindi naman sinaktan ang mga sakay ng trak kung saan agad din umalis ang mga suspek matapos masiguro na sunog na ang laman ng VCM.
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy kung anong mga armadong grupo ang sangkot o kung may kinalaman ang mga tumatakbong kandidato sa nasabing bayan. (Raymund Catindig)