MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 400 hanggang 600 mga Vote Counting Machine ang nagkaaberya sa halalan kahapon.
Ayon kay Commission on Elections Spokesperson James Jimenez, maliit na bilang lamang ito mula sa kabuuang mahigit 85,000 mga VCM sa iba’t-ibang polling precinct sa buong bansa.
Dagdag ni Jimenez, kaya rin itong mapunan ng nasa 9,000 nakaantabay na VCMs.
Samantala, nilinaw naman ni COMELEC Education and Information Director Frances Arabe na walang kasalanan sina dating Vice President Jojo Binay at ang isang botante sa Maynila kaya hindi tinanggap ng VCM ang kanilang mga balota.
Ito aniya ang dahilan kaya pinalitan nila ang mga ito ng bagong balota at payagang muling makaboto.
Naantala ang eleksyon kahapon sa unang apat na oras nito dahil sa mga pumalpak o nasirang VCM at / o voter registration verification machine sa maraming lugar sa bansa.
Sa isang ulat, inamin ng Comelec na trumiple ang mga problema sa VCM ngayong taong ito kumpara noong 2016 presidential elections.
Inaalam pa anya ng Comelec kung anong nangyari sa mga pumalyang VCM.
Sa isang panayam sa Davao City, sinabi ni Pangulong Duterte na dapat bigyan ng pagkakataon ang Comelec na ipaliwanag ang nangyari sa mga VCM. Masyado pa anyang maaga para magsagawa ng imbestigasyon.
Ayon sa LENTE, karamihan ng mga presinto sa buong bansa ay nagbukas nang alas-6:00 ng umaga pero nagkaroon ng pagkaantala sa ilang lugar.
Ang LENTE ay isang lawyers and paralegals’ group ang nagsilbing partner ng Comelec sa halalan sa taong ito. Pinalitan nito ang National Citizens’ Movement for Free Election na tinanggihan ang akreditasyon bilang citizen’s arm ng komisyon.
Kabilang sa mga naunang napaulat na mga lugar na nasiraan ng VCM ang nasa Metro Manila, Ilocos Sur, Pangasinan, Tarlac, Bulacan, Cavite, Kidapawan, Marawi, Albay, Palawan, Bohol, Maguindanao, Jolo, at Lanao del Sur.
Ayon sa Teachers’ Dignity Coalition, maraming botante ang umalis na lang sa presinto dahil sa pagkadismaya na hindi pa rin nakaboto pagkaraan ng ilang oras na pagpila.
Binanggit din ng LENTE na nagkaroon ng brownout sa Bohol (Tubigon West Central Elementary School) at Misamis Occidental (Dapacan Alto Elementary School) na nagpaantala sa botohan.
Sinabi naman ni Jimenez na isang protocol na, kapag may nasirang VCM, papalitan ito. Hindi anya option ang manwal na pagbilang ng boto kapag pumalpak ang makina sa isang presinto. Kapag anya naantala ang ipapalit na makinta, karaniwang suspendido muna ang botohan.
“Meron po tayong reporting centers kung saan dinadala ang ganyang mga report [nasirang VCMs] at mayroon pong rumeresponde,” sabi pa ni Jimenez. Bukod sa 85,000 VCM, may 7,000 VCM na nakahanda para palitan ang mga sirang VCM. - Jonvic Mateo