MANILA, Philippines — Sa inilabas na resolusyon ng Comelec Second Division nitong Lunes, ibinasura ang inihaing diskwalipikasyon laban kay dating Foreign Secretary Alan Peter Cayetano at asawang si Taguig Mayor Lani Cayetano kaugnay ng kanilang permanenteng paninirahan o "domicile."
Tumatakbo si Alan bilang kinatawan ng unang distrito ng Taguig-Pateros, habang tumatakbo naman para sa ikalawang distrito ang kanyang maybahay na si Lani.
"WHEREFORE, premises considered, the Commission (Second Division) RESOLVES to DENY the Petition," sabi ng resolusyon na nilagdaan ni Comelec Presiding Commissioner Luie Tito Guia.
Kahit may bahay sila ng asawa sa Fort Bonifacio, inilagay ni Alan Peter ang kanyang domicile bilang "Barangay Bagumbayan," na bahagi ng unang distrito — dahilan para magkaiba ang ideklarang domicile ng mag-asawa sa kani-kanilang certificate of candidacy.
"A married couple can only maintain one legal residence at any given time," sabi ng petisyon na inihain ni Leonides Buac Jr.
Domicile at residence
Paliwanag ng poll body, 1991 pa nang lumipat si Alan sa kanyang kasalukuyang domicile at ito na ang inilalagay niya sa lahat ng Certificates of Candidacies mula pa 1992.
Sa mata ng batas, pinag-iiba ng permanenteng domicile, na ginagamit para sa residency qualification ng mga kandidato, sa actual residence na itinuturing na pansamantala.
"... Respondent cannot be considered to have lost that domicile by the mere establishment or transfer of their conjugal dwelling ang family home to Fort Bonifacio absent any intention on his part to abandon the same," sabi ng Comelec.
Dagdag nila, ang pagkakaroon nila ng bahay sa Fort Bonifacio ay "pagdadagdag" lang ng isa pang residence ngunit hindi nangangahulugan ng pag-iwan sa domicile.
Aniya, tanging "actual residence" ang binabanggit sa Civil Code, na ginamit na basehan ng petitioner.
"To effect a change, there must be an intention to abandon that domicile in favor of the new one, which is sorely lacking in this case."
Dinastiya?
Maliban sa dalawa, tumatakbo rin sa pagkaalkalde ang kapatid ni Alan na si Lino.
Tumatakbo naman bilang guest senatorial candidate ng PDP-Laban at Hugpong ng Pagbabago ang kapatid niya na si Pia, na kasalukuyang kinatawan ng ikalawang distrito ng Taguig.
Kasama si Pia sa mga in-endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Mayor Sara Duterte.
Layon ni Lani na palitan si Pia sa parehong posisyon.
Nangyayari ang lahat ng ito kahit na ipinagbabawal ng Article II Section 26 ng 1987 Constitution ang Political Dynasties.
"The State shall guarantee equal access to opportunities for public service, and prohibit political dynasties as may be defined by law."
Gayunpaman, wala pa ring "enabling law" para rito.
Dati namang senador ang yumaong ama nina Alan at Pia na si Renato Cayetano.