Dahil sa death threat
MANILA, Philippines — Kasabay ng paggunita ng simbahang Katoliko sa Semana Santa, muling tiniyak ng Philippine National Police sa mga lider ng simbahan ang pagbibigay sa kanila ng proteksyon (tulad marahil ng bodyguard) sa gitna ng patuloy na mga pagbabanta sa kanilang buhay.
Sinabi ni PNP Spokesman Col. Bernard Banac na hindi nila itinatanggi ang mga banta laban sa mga lider ng simbahan at lubha nilang sineseryoso ang mga insidenteng ito.
Sinabi pa niya na, bagaman kailangan pa nilang matukoy ang anumang motibo kung bakit tina-target ng mga pagbabanta ang mga paring Katoliko, hindi naman nagwawalambahala ang puwersa ng pulisya.
“Sa ngayon, wala kaming nakikita na posibleng motibo o dahilan kung bakit magkakaroon ng mga banta sa ating mga lider at pari ng simbahan.
Gayunman, hindi kami nagsasawalang-kibo. Siniseryoso namin ang anumang report o banta sa buhay ng ating mga kaparihan. Siniseryoso namin ito,” diin niya sa isang panayam sa OneNews’ The Chiefs.
Tiniyak din ng opisyal ng pulisya na handa ang PNP na magbigay ng security at protection sa mga pari kasunod ng validation sa sinasabing mga banta.
Ilang pari ang lumantad at nagsabi na nakakatanggap sila ng mga pagbabanta sa kanilang buhay kabilang si Caloocan Bishop Pablo Virgilio David.
Si Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ay nagpadala ng mensahe kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsasabing sina David at iba pang mga pari ay nakakatanggap ng mga death threat.
Ilang beses nang binabatikos ni Pangulong Duterte ang mga paring Katoliko na tumututol sa giyera ng administrasyon laban sa droga.
Gayunman, sinabi ni Banac na ang pahayag ng Pangulo ay hindi maaaring iugnay sa mga banta laban sa mga pari.