MANILA, Philippines — Isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lalawigan ng Batangas at lunsod ng Lucena sa drug alarm list kasabay ng pagpuna na talamak na umano ang drug operations sa malalaking lalawigan sa Southern Tagalog region na naging multi-billion industry sa kasalukuyang administrasyon.
“Pero tila, sa ngayon, nasa red flag sa mapa ang Lucena at Batangas,” sabi niya noong Miyerkules kasabay ng pagpapahayag ng seryosong pagkaalarma sa talamak na droga sa dalawang lugar.
Ikinadismaya rin niya na hindi natutugunan sa naturang mga lugar ang problema sa iligal na droga.
“Dalawang bagay lang po. Talagang sabi ko, pupunta ako ng Batangas. Please do not be offended. Tutal para sa bayan man ‘to at wala ho akong tinutukoy na tao dito. I talk on general terms,” sabi ng Presidente sa isang campaign rally ng PDP-Laban.
Pinuna rin ng Pangulo ang tila umano pagwawalambahala ng maraming residente ng Batangas at Lucena sa problema sa droga.
“May mga lugar na kung saan alam naming nandi-yan sila. Ang survey is galit sila sa gobyerno. Wala akong pakialam. Ako po’y hindi na makakatakbo. Dead-end na ako dito sa tatlong taon. Kayo ang may problema, hindi ako,” sabi pa niya.