MANILA, Philippines — Nakumpirma na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ang bangkay ng teroristang lider na si Owayda Benito Marohomsar o Abu Dar ang napatay sa Marawi siege noong 2017.
Ito’y matapos na mag-match ang DNA sample ng militar sa katawan ng teroristang lider na kinuha at umano’y isinagawa ng Estados Unidos.
Dahil sa pagkamatay ni Dar, naniniwala si Col. Romeo Brawner, commander ng 103 Infantry Brigade ng Philippine Army, na tapos na rin ang operasyon ng Dawlah Islamiya Lanao Group.
Sinabi ni Brawner na ang kumpirmasyon ay nakuha isang buwan matapos na mapatay si Abu Dar sa isang military pursuit operation sa boundaries ng Tuburan at Pagayan sa bayan ng Lanao del Sur.
Si Dar ay bahagi ng plano ng pag-atake sa Marawi kasama ang mga napaslang na sina Abu Sayyaf leader Isnilon Hapilon at Omar Maute.
Base sa intelligence report, tinangka ni Abu Dar na bumalik sa battleground kasama ang iba pang kasama para sa reinforcements subalit hindi nagtagumpay dahil sa military lockdown sa Marawi City matapos ang limang buwang bakbakan na nagtapos noong Oktubre 2017.