MANILA, Philippines — Nagsimula na kahapon ang pagsasagawa ng overseas absentee voting (OAV) para sa May 13 National and Local Elections.
Inaaasahang 1.8 milyong OFWs ang makikiisa sa OAV, na magtatagal ng isang buwan, o simula Abril 13 hanggang sa May 13.
Nasa 83 embassy at posts ang itinalaga para sa pagboto ng mga overseas absentee voters.
Sa nasabing bilang ay 41 ang gagamit ng vote counting machines (VCMs) kabilang dito ang New York, San Francisco, Calgary, Hong Kong, Taipei, Singapore, Seoul, London, Madrid at Dubai, habang ang iba pang mga posts ay magkakaroon naman ng manual o manu-manong halalan na maaaring ipadaan sa personal voting o di kaya ay postal service.
Ang postal voting ay gagamitin sa Paris, Mexico at Berlin, habang ang personal voting naman ay sa Jakarta, Vatican at New Delhi.
Pinakamaraming bilang ng overseas voters ay matatagpuan sa Middle East at Africa (887,744 voters), kasunod ang Asia-Pacific (401,390), North at Latin America (345,415) at Europe (187,624).
Gayunman, may tatlong lugar ang hindi nakasali sa OAV dahil sa kaguluhang nagaganap na kinabibilangan ng Damascus, Syria; Baghdad, Iraq at Tripoli sa Libya.
Ani Commission on Elections (Comelec) spokesperson James Jimenez, hindi pa nila masasabi kung kailan maaring magsagawa ng eleksiyon sa mga nasabing lugar o posibleng hindi na maisagawa dahil sa sitwasyon.
Kamakailan ay nagpatupad ng total deployment ban ang DOLE sa Libya, habang patuloy pa rin ang kaguluhan sa Syria at Iraq.
National candidates lang ang pagbobotohan sa OAV o ang 12 senador at isang party-list group.