MANILA, Philippines — Welcome sa Palasyo ang pinakahuling resulta ng SWS survey kung saan lumalabas na 79% ng mga Pilipino ang nagsabing kuntento sila sa performance ni Pangulong Duterte.
Sa survey, lumalabas na positive 66 ang net satisfaction rating ng Pangulo para sa buwan ng Marso.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Salvador Panelo, ang resulta ng survey na ito ay nagpapakita lamang na habang patuloy sa paninira ang mga kritiko ng Pangulo ay mas lalo lamang tumataas ang rating na nakukuha nito.
Aniya, nagiging bingi ang mga kritiko sa boses ng mayorya ng mga Pilipino, at nagiging bulag ang mga ito sa mga pagbabagong sosyal at politikal na dulot ng Pangulo, na hangad lamang ay maprotektahan ang interes ng nakararami.
Ang payo ni Panelo sa mga kritiko, sa halip na magpatuloy sa kanilang hate campaign laban kay Pangulong Duterte, mas makabubuti na makibahagi sila sa mayora ng mga Pilipino na sumusuporta sa mga programa ng administrasyon na nakadisenyo sa paglilingkod at pagprotekta sa bayan, at sa pagpapaunlad nito.
Hindi anya magpapaapekto si Pangulong Duterte sa kahit ano mang negativity, at magpapatuloy lang ito sa pagtupad ng kaniyang mga ipinangakong adbokasiya na labanan ang iligal na droga, korupsyon, rebelyon at krimen sa bansa.