MANILA, Philippines — Minaliit ng Malacañang ang bantang "revolutionary war" ni Pangulong Rodrigo Duterte, at sinabing "expression" lang niya iyon laban sa mga "kalaban ng estatado," at 'di sa taumbayan.
Ayon kay presidential spokeperson Salvador Panelo, hindi tinatakot ni Duterte ang mamamayan nang sabihing magdedeklara ng revolutionary war kung magigipit.
"Kung pananakot ang naging dating ng pahayag, hindi naman ito ginawa dahil nagpadalos-dalos ngunit buhat ng mga ginagawa laban sa bayan," sabi ni Panelo sa Ingles.
"Yung babala, kung babala ito, ay hindi para sa mamayan pero para sa kaaway nila — ang mga kriminal, nagpapakalat ng droga, tiwaling burukrata, sakim na pulitiko, rebeldeng komunista, terorista sa loob at labas ng bansa at iba pang kaaway ng gobyerno," sabi ni Panelo.
Ilan daw sa mga problemang gumagalit kay Duterte ay ang pagpasok ng droga sa bansa sa kabila ng "war on drugs," walang tigil na korapsyon sa pamahalaan, red tape na humaharang sa mga proyekto, walang pakundangang mga kriminal, "onerous contracts" na pinasukan ng gobyerno at pag-atake ng mga rebelde.
Nitong Huwebes, inilutang ni Duterte ang posibilidad ng pagdedeklara ng "revolutionary war" matapos sabihin ni Sen. Franklin Drilon na mag-ingat sa pag-rereview ng government contracts.
Sabi ng senador, walang bubuo ng mga kasunduan sa Pilipinas kung hindi rerespetuhin ang mga kontrata.
"Ang dami ko nang problema sa krimen, droga, rebelyon at iba pa pero 'pag ako ang pinaabot niyo nang sagad, isu-suspinde ko ang writ of habeas corpus at ipa-aaresto ko kayong lahat," sabi ni Digong sa Palawan noong nakaraang linggo.
Ginagamit ang writ of habeas corpus bilang panigurado na laban sa iligal ang pagpipiit ng tao. Isa itong court order na inuutos na ilabas ang sinumang nakakulong.
"Bakit ako mag-iingat sa pagsilip ng kontrata na wala sa interes ng taumbayan? At yung mga pabigat na probisyon doon na kailangang kilalanin ng tao, tingin niyo papayagan ko dahil lang hindi natin pwedeng sirain ang obligasyon sa mga kontrata?" dagdag niya.
Kinastigo ng mga kritiko si Duterte sa pananakot gamit ang writ of habeas corpus, at sinabing ginagawa lang ito para ilihis ang atensyon ng taumbayan sa mga kabiguan ng administrasyon.
Sinabi ng grupong Karapatan na hindi dapat isinasailalim sa mga "personal na kagustuhan, interes at kabaliwan" ng presidente ang karapatang pantao.
Ikinatatakot din nila na maaaring palalain ng pahayag ang mga patayan at paglabag sa karapatang pantao.
Gayunpaman, klinaro ni Panelo na tanging mga lumalabag lang sa batas ang binabalaan ni Digong.
Sa ilalim daw kasi ng Article 2, Section 4 ng Saligang Batas, "pangunahing tungkulin ng gobyerno na paglingkuran at ipagtanggol ang tao."
"Ang naratibo ng presidente sa revolutionary war ay pagpapahayag ng kanyang pagkasiphayo at para ipaalala sa mga lumalabag sa batas na hindi siya tutunganga habang hindi naparurusahan ang mga may sala," wika ni Panelo.
Aniya, maaaring gamitin ng pangulo ang kapangyarihang ibinigay sa kanya ng Saligang Batas para apulahin ang atake sa tao at iligtas ang estado.