MANILA, Philippines — Anim na alkalde ang ipinagharap ng kasong administratibo ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman dahil sa hindi pagsunod sa utos o pagkabigong bumuo ng Local Anti-Drug Abuse Councils sa kani-kanilang nasasakupan.
Kinilala ni DILG Asec. Ricojudge Echiverri ang mga kinasuhan na sina Donsol, Sorsogon Mayor Josephine Cruz; Bucloc, Abra Mayor Gybel Cardenas; Hingyon, Ifugao Mayor Geraldo Luglug; Claveria, Masbate Mayor Froilan Andueza; Mandaon, Masbate Mayor Krisitine Hao-Kho; at Magallanes, Agusan del Norte Mayor Demosthenes Arabaca.
Ayon kay Echiverri, paunang kaso pa lamang ang kanilang isinampa laban sa anim na alkalde dahil sa mga susunod na araw ay marami pa siyang kakasuhan.
Sinabi ni Echiverri, nasa 800 local chief executives pa ang nakatakda nilang sampahan ng kaso sa Ombudsman sa susunod na mga araw dahil sa kahalintulad na paglabag.
Una ng naglabas ng memorandum ang DILG na nag-uutos sa mga alkalde at mga barangay officials na bumuo ng Anti-Drug Abuse Council na tututok sa pagsugpo ng mga kaso ng iligal na droga sa kanilang nasasakupan.