MANILA, Philippines — Napapanahon ang pagpapatupad ng ‘Open High School’ sa bansa upang maisulong ang de kalidad na edukasyon para sa mga Pilipinong estudyante, ayon kay Ang Probinsyano Party-list nominee Alfred Delos Santos.
Sa konsepto ng open high school o ang tinatawag na “School of the Future in Technology (SOFT),” ang mga estudyante ay pwedeng makatapos ng high school kahit hindi sila pumasok sa mga paaralan limang araw kada linggo.
“Marami na ang nagagawa gamit ang mga computer. Sa SOFT, ang computer ang magsisilbing library, data bank, writing pad, at gamit pang komunikasyon ng mga estudyante. Bibigyan sila ng mga gawain mula sa kanilang mga guro. Makakausap rin nila ang mga guro gamit ang kanilang mga computer. Pero kailangan pa ring pumasok ng mga estudyante sa klase para sa interaksyon sa kanilang mga kamag-aral,” paliwanag ni Delos Santos na isa ring youth advocate.
Sa ilalim ng ganitong sistema, makakatipid sa oras, lakas at salapi. Sa mga siyudad, makakatulong ito sa pagbabawas ng trapiko sa mga lansangan. Para naman sa mga estudyante sa mga probinsya, malaking ginhawa ito sa mga estudyante na malayo ang tirahan.
Ang mga batas na isusulong ng Ang Probinsyano Party-List sa kongreso ay nakasentro sa pag-aangat ng kalidad ng buhay ng mga mamamayan at paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan sa mga komunidad sa probinsya.