MANILA, Philippines — Nakahanda si Pangulong Rodrigo Duterte na makulong basta’t makuha niya ang Cebu-based na negosyanteng si Peter Lim na tinukoy niyang isa sa umano’y drug lord na kumikilos sa bansa.
“Itong Peter Lim na ito…..may bahay sa Canada, may bahay sa Bahamas, ang p…….niya, may bahay sa Hong Kong. Peter Lim, ‘pag nakita maski saan, papatayin kita. At handa akong magpakulong para sa iyo,” sabi ni Duterte sa isa niyang talumpati sa isang political rally sa Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Naatasan na ni Duterte ang mga awtoridad na tugisin si Lim na nauna nang nakipagkita sa Pangulo para itanggi ang ibinibintang ditong mga iligal na aktibidad sa droga. Natagubilinan din ang National Bureau of Investigation na imbestigahan ang umano’y kuneksyon ng negosyante sa bawal na gamot.
Noong nakaraang taon ay sinubukan ng lokal na pulisya na isilbi ang arrest warrant sa napaulat na tirahan ni lim sa Cebu pero hindi nila ito nakita.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang Pangulo na hindi pa rin nahuhuli si Lim.
Ipinalabas ni Makati Regional Trial Court Judge Gina Bibat-Palamos ang arrest warrant makaraang makasuhan si Lim sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Ikinalungkot ni Duterte na ang mga sangkot sa aktibidad sa droga ay nagiging masarap ang buhay habang ang kanilang mga kliyente ay nagdurusa sa epekto ng pag-abuso sa droga.
“Pero kung gusto mo pang mabuhay--- ang masakit diyan- kaya ako pumunta rito. Ang masakit diyan, sila mismo maganda ang buhay,” sabi ng Punong Ehekutibo.
Bilang Pangulo, sinabi ni Duterte na tungkulin niyang silbihan at pangalagaan ang mayorya ng tinatayang 110 milyong Pilipino. Tinaya niyang nasa pitong milyon ang biktima ng droga sa buong bansa.