MANILA, Philippines — Pinalaya na ang pitong Pinoy seafarers matapos ipawalang-sala ang mga ito ng Libyan High Court dahil sa kasong tangkang pag-smuggle ng fuel.
Ayon sa Philippine Embassy sa Tripoli, pinalaya ang pitong crew ng M/T Levante matapos hatulan ng apat na taong pagkabilanggo ng mababang hukuman noong Nobyembre 2018.
Nabatid kay Chargé d’Affaires Mardomel Celo Melicor, base sa record, ang pitong akusado ay kabilang sa 20 Pinoy na isinailalim sa custody matapos masakote ang mga ito ng Libyan Coast Guard noong 2017 dahil sa umano’y economic sabotage matapos umano nilang tangkang i-smuggle ang 6 million liters ng fuel.
Noong Pebrero 2018 ang 13 dito ay pinalaya at ang pito na pawang mga opisyal ang sinampahan ng kaso subalit napawalang-sala rin.
Sa ngayon ay pinoproseso na ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapauwi sa pitong Pinoy seamen.