Casino magnate nakapuntos

Itinanggi ng kampo ni Okada na inaresto ng ICAC ang casino magnate sa HK, sa pagsasabing kinausap lang siya at inobligang maglagak ng piyansa hanggang puwede na siyang umalis sa HK.

MANILA, Philippines — Nakapuntos si casino magnate Kazuo Okada laban sa Universal Entertainment Corporation at Okada Manila matapos siyang i-release ng Independent Commission Against Corruption (ICAC) ng Hong Kong.

Ayon sa kilala, beterano at barrister na nag-aral pa sa Cambridge na si Cheng Huan SC, legal counsel ni Okada sa Hong Kong, nagtungo sila sa ICAC office noong Pebrero 22, 2019 kung saan binigyan si Okada ng unconditional release at ibinalik ang piyansa na kanyang inilagak.

Idinagdag pa ni Cheng na hindi na obligado si Okada na humarap at mag-report sa ICAC.

Ayon sa isang source, isang malaking dagok para sa Okada Manila at UEC ang pasya ng ICAC dahil patunay lang ito na walang basehan ang kanilang akusasyon laban sa casino magnate.

Bago rito, itinanggi ng kampo ni Okada na inaresto ng ICAC ang casino magnate sa HK, sa pagsasabing kinausap lang siya at inobligang maglagak ng piyansa hanggang puwede na siyang umalis sa HK.

Nakatutok ngayon si Okada sa kanyang legal na laban para makuha ang control sa kanyang kumpanya na Okada Holdings Inc. (OHL).

Bilang 99-percent na may-ari ng OHL, nanindigan si Okada na hawak niya ang 68 porsiyentong pag-aari sa Universal Entertainment Corporation (UEC), ang parent company ng Tiger Resort Leisure and Entertainment, Inc. (TRLEI), na siya namang operator ng Okada Manila.

Naghain na si Kazuo Okada at anak niyang si Hiromi ng kasong kriminal at sibil sa HK upang makuha ang kontrol sa OHL. Nais din nilang mapapanagot sa kasong fraud at financial crimes ang mga nasa likod ng pagpapatalsik kay Okada bilang Sole Director at Chairman ng Okada Holdings, UEC, Tiger Resort at OHL noong 2017.

Show comments