Cellphone number 'di na kailangang palitan kahit lumipat ng provider

Pinirmahan na kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11202 o "Mobile Number Portability Act" ngayong ika-19 ng Pebrero.
pixabay.com

MANILA, Philippines — Pahihintulutan nang mapanatili ang cellphone number kahit na lumipat ng service provider.

Pinirmahan na kasi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11202 o "Mobile Number Portability Act" ngayong ika-19 ng Pebrero.

Bago maaprubahan, kinakailangan pa kasing magpalit ng numero ang mga mobile phone users sa tuwing lilipat.

Libre ang paglipat

Sa ilalim ng batas, inaataasan ang mga public telecommunications entities na magbigay ng mobile number portability feature nang libre sa users.

Tumutukoy ang MNP sa kapasidad ng mobile phone user na mapanatili ang kasalukuyang numero.

Kahit na lumipat mula postpaid o prepaid ang isang user, pwedeng-pwede pa ring ma-retain ang number.

Maaaring patawan ng P1 milyong multa at revocation ng prangkisa ang mga PTE kung hindi asikasuhin ang subscribers na gustong lumipat.

Gayunpaman, maaari lang itong gawin para sa mga subscriber kung wala na siyang financial obligation sa kasalukuyang provider.

Noong Nobyembre, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian, chairperson ng Senate commitee on economic affairs at author ng panukala, na bibigyan ng sapat na oras ang National Telecommunications Commission para buuin ang implementing rules and regulations oras na maisabatas ito.

"Ang mga customers na gustong lumipat, nagiging abala para sa kanila na magpalit ng telephone number at mag text ng bagong number nila kapag lilipat sila,” sabi ni Gatchalian.

“With this law, there is freedom of movement (Sa pamamagitan ng batas na ito, may kalayaan sa paggalaw),” dagdag niya.

Sa ilalim ng batas, binibigyan ang NTC ng anim na buwan para balangkasin ang IRR nang maipatupad ito nang maayos.

Show comments