China construction sa Kagitingan Reef iprotesta – Carpio

Sinabi ni Carpio, sa ginanap na inagurasyon ng mga miyembro ng Kapihan sa Klub Inc., dapat na iprotesta ng gobyerno ang pinakahuling ginawa ng Asian Superpower sa lugar.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Pinaghahain ni Supreme Court (SC) Senior Associate Justice Antonio Carpio ang pamahalaan ng diplomatic protest laban sa China kaugnay sa itinayo nilang Chinese maritime rescue center sa Kagitingan o Fiery Cross Reef.

Sinabi ni Carpio, sa ginanap na inagurasyon ng mga miyembro ng Kapihan sa Klub Inc., dapat na iprotesta ng gobyerno ang pinakahuling ginawa ng Asian Superpower sa lugar. 

“We should protest because otherwise we will be waving our sovereignty over these islands,” ayon kay Carpio.

Sinabi ni Carpio, dapat na maging ma­pagmatyag ang gobyerno sa aktibidad ng China sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea dahil ang paglalagay ng naturang pasilidad ay isang “act of administration.”

Una nang inihayag ng Chinese state-run news agency Xinhua na tagumpay umano ang Beijing sa paglalagay ng maritime rescue center sa isa sa kanilang military outposts sa Kagitingan Reef.

Ito umano ay itinayo para suportahan ang rescue operations sa resource-rich region.

Show comments