MANILA, Philippines — Uunahin ni dating Special Assistant to President Sec. Bong Go ang pagtatayo ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) sakaling palarin na manalo bilang senador.
Sinabi ni Go na nais ni Pangulong Duterte na unahin niyang gawin pagdating niya sa Senado ay tulungan at resolbahin ang patung-patong na problema ng mga OFW na hindi masyadong matugunan ng ilang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng DFA, DOLE, POEA, at OWWA.
“Parang one-stop shop siya na puwede na magrenew ng passport, kumuha ng birth certificate, reklamo laban sa hindi nasunod na kontrata, pagpapauwi sa OFW at maging sa remittance nila para sa pamilya at marami pang iba,” ani Sec.Go.
Sinabi ni Go, nauubos ang oras ng isang OFW sa pag-aayos ng kanyang papeles, passport o kontrata habang nagbabakasyon dahil iba’t-ibang ahensiya ang kanyang pupuntahan para ayusin ito sa halip na i-bonding time niya iyon sa kanyang pamilya.
“Ganitong mga klaseng problema rin ang tututukan ng DOFW kasi ngayon hindi malaman ng mga namatayan na OFW kung saan pupunta para humingi ng tulong? Sa DFA ba o sa OWWA o sa POEA?” ayon kay Go.