MANILA, Philippines — Nanawagan si dating Senate President Juan Ponce Enrile sa gobyerno na kumilos agad at solusyunan ang nagbabadyang krisis sa enerhiya na maaaring lumala dahil sa inaasahang malaking pangangailangan sa kuryente at gasolina ng programang ‘Build, Build, Build’.
Ipinaalala ni Enrile na ang tanging pinagkukunan ng bansa ng hydrocarbon energy ay ang Malampaya at kung magkakaroon ng kaguluhan sa Russia o sa Middle East at sa Latin Africa ay apektado ang suplay ng krudo.
“??In one week’s time, we will not have enough supply of power,” ani Enrile.
Isa aniya sa mga malalang epekto ng nagbabadyang krisis ay ang magiging kakulangan sa pagkain at iba pang suplay sa Metro Manila dahil sa magiging balakid sa “transport system” kung wala nang reserbang diesel at gasolina.
Naniniwala rin si Enrile na dapat pagtuunan ng pansin ang paglikha ng iba pang mapagkukunan ng enerhiya upang hindi na umasa ang bansa sa imported na gasolina para sa mga pangangailangan nito.
Nagbabala rin si Enrile sa maaaring mangyaring giyera sakaling magkakaroon ng krisis.
Dagdag pa niya, “That’s why Russia is now controlling the Arctic Sea because of the scarcity. All of this is finite. ‘Yung crudo is not self-producing. Mauubos ‘yan – even uranium,” wika pa niya.
Sa kasalukuyan, tinatayang mawawalan na ng reserba sa gasolina sa taong 2024 ang Malampaya Natural Gas Facility. Ito ang nagsusuplay ng 30% ng demand sa kuryente ng Luzon at, sa pagkawala nito, bababa nang malaki ang power reserve ng Pilipinas.
Ayon sa mga datos ng DOE, 94% sa pangangailangan ng Pilipinas sa suplay ng petrolyo ay inaangkat mula sa ibang bansa.