Duterte hindi nagdadala ng kandidato sa events, ayon kay Panelo

Bagama't pinapupurihan ng Pangulong Duterte ang ilang tatakbo, sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na hindi ito planado.
File

MANILA, Philippines — Itinanggi ng Palasyo ang alegasyong nagdadala ng senatorial candidates ang Pangulong Rodrigo Duterte para mangampanya sa mga opisyal na events.

Sa press briefing para sa Malacañang Press Corps kanina, sinabi ni Panelo na sadyang pumupunta lang ang mga kandidato sa official functions at napapansin ng pangulo.

"[T]he assumption that he brings candidates is incorrect. He doesn't bring candidates. Those candidates happen to be there (Yung assumption na nagdadala siya ng kandidato ay mali. Hindi siya nagdadala ng kandidato. Talagang pumupunta lang sila)," sabi ng tagapagsalita.

Bagama't pinapupurihan ng pangulo ang ilang tatakbo, sinabi ni Panelo na hindi ito planado.

"These candidates are very creative, they know the schedule of the president. So they go there... If you noticed, yung mga speeches niya dire-diretso. Tapos biglang, 'Ah!' kapag nakita niya [yung kandidato]. Then he says something good. Ganun siya eh. So it's not intentional on his part."

Ilan sa mga indibidwal na nauna nang inendorso ng pangulo ay sina dating Special Assitant to the President Christopher "Bong" Go at dating Metropolitan Manila Development Authority chair Francis Tolentino.

Nang tanungin kung hindi dapat pumunta sa opisyal na events ng pangulo ang mga kandidato, sinabi naman ni Panelo na hindi sila mapapagbawalan.

"You cannot stop them. They're citizens of this country. There's no provision [not] to be attending functions and events. In fact, kung ako ang kandidato, ganun din ang gagawin ko (Hindi mo sila mapipigilan. Mamamayan sila ng bansang ito. Walang probisyon na nagbabawal sa kanilang dumalo sa mga kaganapan. Sa totoo lang, kung ako ang kandidato, ganun din ang gagawin ko)," wika ni Panelo.

Giit ni Panelo, walang masama sa pag-eendorso ni Digong. 

"Is there a violation? No. Comelec na nga ang nagsabi eh. There's no violation ng pag-endorse. Wala namang masama sa pag-endorse eh. Saka, sinasabi lang naman niya ang qualities nitong mamang ito. Kung ayaw niyo naman, ang sabi niya, kung ayaw niyo, 'di huwag," dagdag niya.

Magsisimula lang dapat ang opisyal na campaign period 90 araw bago ang eleksyon batay sa Omnibus Election Code.

Alinsunod sa Resolution No. 10429, magsisimula ang campaign period sa ika-12 ng Pebrero hanggang ika-11 ng Mayo para sa senatorial at party-list candidates. 

'Administration bets? Wala pa'

Inilinaw naman ng Palasyo na hindi pa naglalabas ng opisyal na listahan ng mga susuportahan ang presidente.

Nang tanungin kung kumpiyansa ang Malacañang sa mga tatakbong alyado ni Duterte, sinabi ni Panelo na: "Who are the Duterte senatorial candidates? Wala pa yatang official (Sino ang mga Duterte senatorial candidates? Wala pa yatang opisyal.)"

Bagama't wala pang nalalaman si Panelo kung sino ang humihingi ng endorsement ni Dutere, sinabi naman niya na meron mga nagpapahiwatig.

"Siyempre from the way of their body language is [speaking], si Christopher Bong Go. Siyempre gusto niyang magpa-endorse," ani Panelo.

Gayunpaman, hindi porke na-endorso na dati ang ilang kandidato ay sila na raw ang talagang susuportahan ng administrasyon.

"Hindi porke na-endorse ka ngayon eh, pangalawa hindi ka na mabanggit. Ibig sabihin eh nakalimutan ka na. Hindi, hindi rin eh."

Inaasahan ng presidential spokesperson na maglalabas ng mga plano sa eleksyon ang pangulo sa isang Cabinet meeting.

Show comments